Angel maraming alam sa disaster operations
Nakatagpo ang Quezon City Red Cross ng isang malakas na campaigner, si Angel Locsin. Sigurado kami na marami ang tumugon sa kanyang panawagan na kailangan ang mga relief goods para sa mga biktima ng baha, at iyon ay maaaring dalhin sa Red Cross Quezon City Chapter.
Makikita mo sa mga ipinadadala niyang mensahe sa pamamagitan ng kanyang social networking account na mukhang sanay na si Angel sa mga disaster operations, kasi iyong kanyang sinasabi ay masasabi lamang ng isang taong may karanasan na sa disaster preparedness at mga relief and rescue operations. Hindi lang din naman siya nanawagan, later on may naka-post pa siyang picture na nakasuot na ng bota, meaning susugod na rin siya sa ulan at baha para makatulong.
Kung sabagay, hindi lang naman ngayon ‘yan ginawa ni Angel. Usap-usapan na talaga sa Red Cross ang kanyang pagtulong kahit na noon pa man.
Ang maganda pa nga, tumutulong si Angel na walang publisidad. Iyong iba, nagdadala lang ng isang kalderong pagkain naka-televise pa. Iyong iba naman nakikita mong sumasagot lang sa telepono sa mga telethon, hindi nga naman sila pagod, nakita pa silang tumutulong sa TV, at siyempre malakas pa sila sa kanilang network.
Kung kami ang tatanungin, mas dapat na kilalanin iyong mga kagaya ni Angel na talagang tumutulong dahil gusto niyang makapaglingkod sa kanyang kapwa.
Naalala tuloy namin, iyong Movie Writers’ Welfare Foundation ay nakatakdang magÂbigay ng isang public service award, sa mga taong talagang nakakatulong sa mga mamamayan sa ating bansa. Iyang mga nakita namin sa disaster na ito ay dapat na isaalang-alang sa award na iyan.
Geneva ikakasal na naman, pangatlo na
Niyaya na raw pakasal ng kanyang boyfriend na si Lee Paulsen si Geneva Cruz, at payag na si Geneva na magkapasal ulit. Ito na ang ikatlo niyang pagpapakasal. Una siyang ikinasal kay Paco Arespacochaga, nagkahiwalay sila at humingi ng annulment. Tapos pinakasalan naman niya si KC Montero. Nagkahiwalay din naman sila at muli siyang humingi ng annulment. Ngayon pakakasal na naman siya sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Lee Paulsen, sana huwag na silang magkahiwalay at huwag na siyang humingi ng annulment.
Sa mga ganyang kaso, nasasabi nga tuloy ng marami na ang mga artista raw, asawahan nang asawahan tapos puro naman nauuwi sa annulment. Nangyayari rin naman iyan sa iba, pero dahil sila nga ay mga artista, mas napapansin ng publiko ang kanilang ginagawa.
Donasyong pera ng kalamidad, ibigay sa tama!
Mag-ingat kayo sa pagbibigay ng mga relief goods. Minsan may mga taong gusto lang makatulong, nabibiktima pa ng mga nagra-raket. May mga nanghihingi ng tulong na pagkatapos hindi maipaliwanag kung saan napunta ang mga donasyon, lalo na at pera. Minsan may mga relief goods pang galing sa abroad na pagkatapos ay makikita mong ibiÂnebenta sa Divisoria, o sa R. Hidalgo sa Quiapo.
Kung magbibigay kayo ng tulong idaan na ninyo sa mga lehitimong organisasyon kagaya ng Red Cross o ng Caritas Manila.
- Latest