Lakay at Milky dineklarang broadcast journalists ng taon
MANILA, Philippines - Itinanghal ng Rotary Club of Manila sina Deo Macalma at Milky Rigonan bilang radio broadcast journalists of the year sa taunan nilang Journalism Awards na ginanap sa McKinley Room ng Manila Polo Club, Makati City. Tampok ang dalawa sa komentaryong pang-radyo tuwing alas-nuwebe ng umaga na naririnig sa DZRH, pangunahing istasyon ng Manila Broadcasting Company.
Higit na kilala bilang si Lakay, si Macalma ay assistant vice president at assistant station manager ng DZRH, na siyang pinakamatandang istasyon ng radyo sa Pilipinas.
Humatak siya ng tagapakinig dahil sa kanyang mga satirical commentary at ang kanyang Espesyal na Balita, na tumutumbok sa mga blind item.
Tapos ng journalism sa Lyceum of the Philippines, naging news writer siya ng DZRH noong 1980 at nagsikap hanggang sa maging field reporter, managing editor, at news director, at ma-appoint bilang AVP at assistant station manager noong 1991 – mga posisyong hawak pa niya hanggang sa ngayon.
Si Rigonan naman ay naka-assign mag-cover sa Senado bilang official DZRH correspondent, at katuwang ni Deo tuwing alas-nuwebe ng umaga sa Isyu!. Co-host din siya ng palatuntunan ng Philhealth tuwing Miyerkules ng hapon at sumusulat ng online column na pinamagatang Psst! na ukol sa pulitika.
Ang Manila Rotary ang siyang pinakamatagal at prestihiyosong Rotary Club sa Asya at laging inaabatan ang kanilang Journalism Awards taun-taon ng mga taga-peryodiko, radio at telebisyon. Nationwide ang call for nominations nito, na masusing kinikilatis ng Awards committee bago pagbotohan ng mga miyembro sa kanilang general assembly.
- Latest