Mga witness sa nangyari kay Daiana biglang nawala sa eksena
Maraming hindi kumbinsido sa statement ni Daiana Menezes na ginawa lamang niya ang lahat ng mga posting sa Internet para makuha ang atensiyon ng kanyang asawa kasi sa isa sa mga nauna niyang posts, sinabi pa niyang may mga witness sa nangyayari sa kanya pero lahat ng mga iyon ay nabayaran na yata para tumahimik.
Nasundan iyon sa pag-amin ng kanyang asawang si Benjo Benaldo na totoong nagkaroon nga sila ng problema at natural lang naman iyon sa mga mag-asawa pero sinasabi ni Benaldo na humingi na siya ng tawad kay Daiana at pinatawad na siya. Kung ang nangyari nga kaya ay naghahanap lang ng atensiyon si Daiana, bakit kailangang humingi pa ng ganoong apology si Benjo? Kung naghahanap lang ng atensiyon ang misis, bakit kailangang gumamit pa siya ng isang social networking site para gumawa ng kuwento at mapansin ng kanyang asawa? Ang asawa ba niya talaga ang tinatawagan niya ng atensiyon? Bakit, naka-monitor ba palagi ang mister sa kanyang social networking site?
Ang statement ni outgoing Congressman Benaldo at ang ginawang statement ni Daiana ay nakapag-iwan pa ng maraming tanong sa iisipin ng mga tao. Ano nga ba ang totoo rito?
Sinabi rin ni Daiana hindi naman niya hinihingi ang tulong ng ahensiya ng gobyerno at ang isang women’s party list ay tinawagan na niya at sinabing okay naman ang lahat sa kanila. May problema pero may solusyon na silang mag-asawa.
Dalawang bagay lang ang posibleng mangyari ngayon kay Daiana. Una, hindi na siya paniwalaan dahil sa kanyang sinasabi ngayon. Ikalawa, baka kung dumating ang panahon na talagang nangaÂngailangan siya ng tulong ay wala nang maniwala at sabihing siguro nga ay humahanap lang siya ng atensiyon.
Dingdong lumamang kay Nora
Dahil inabot nga kami ng malakas na ulan sa isang mall sa Ortigas, Pasig City ay napilitan kaming manood ng sine para palipasin ang oras. Hindi gumagalaw ang traffic, at ang naghihintay ng sasakyan sa taxi bay area ay mula Julia Vargas hanggang doon sa kabilang kalye ang pila. Umakyat muna kami sa sinehan at naisip nga naming manood ng sine. Uulitin na lang sana namin ang Man of Steel na napanood namin ilang araw na ang nakaraan pero ang haba pa rin ng pila at walang upuan.
Pumasok kami sa sinehan na naglalabas ng indie film ni Dingdong Dantes. The good news is mukhang tinalo niya si Nora Aunor. Eh kasi noong pumasok kami sa sinehan ay siyam kaming nanonood, mas lamang iyon ng dalawang tao kaysa sa nakita namin nang panoorin namin ang Thy Womb na pito lang kami sa loob. At least, nakatulong kami sa Dance of the Steel Bars dahil nagbayad kami ng 180 pesos. At least kumita sila ng P1,120 sa screening na iyon. Kulang pang pambayad ng kuryente at suweldo ng takilyera at portera. Kung hindi kami pumasok P980 lang ang kita nila.
Pelikula ng aktres sa internet lang pino-promote
Ano ba ’yan, mukhang sa Internet na lang yata nagpo-promote ng pelikula niya ang isang aktres? Sa Internet lang siya may trailer. Sa Internet lang ang kanyang publicity na ipino-post lang ng kanyang fans.
Ano ba naman ’yan? Bakit ganyan?
- Latest