Pumapasan ng kakulangan sa bayan, ipapakita sa Landas
MANILA, Philippines - Isang linggo bago ang Eleksyon 2013, ihahandog ng GMA News and Public Affairs ang isang espesÂyal na pagtatanghal na tatalakay sa mahahalagang isyung hinaharap ng mga ordinaryong Juan – ang dokyu-pelikulang Landas.
Sa pagsasalaysay ng award-winning broadcast journalist na si Vicky Morales, ang Landas ay mahahati sa dalawang bahagi- dokumentaryo at maikling pelikula. Magkaiba ang kwento ng dalawang bahaÂging ito pero magkukrus ang mga isyung ilalahad.
Bibigyang-buhay ng pelikula ang tatahaking landas ng isang mersenaryo ng mga pulitiko na si Jay, na gagampanan ni Mike Tan. Naatasan siyang ‘patahimikin’ ang isang tapat na kawani ng gobyerno (na gagampanan ni Chynna Ortaleza) sa utos ng tiwaÂling alkalde (gagampanan naman ni Nanding Josef). Isang mahirap na pagpapasya ang kailangang gawin ni Jay kung ano nga ba ang mas makabubuti hindi lamang para sa sarili, kundi para sa kanyang pamilya at komunidad.
Sa dokumentaryo, makikita naman ang mga mukÂha ng uhaw sa serbisyong tumutugon sa pinakasimpleng pangangailangan. Dito sa kalungsuran, masasaksihan ang matinding kahirapan mula sa imahe ng isang gutom na sanggol na pinapainom ng kapeng mula sa sunog na bigas. Makikilala naman ang mahigit isandaang gulang na manggagamot sa isang liblib na barangay sa Mindanao na siyang nag-iisang takbuhan ng lahat ng maysakit dahil sa kalayuan ng ospital sa lugar.
Sila ang mga totoong taong pumapasan ng kakulangan, at pinipilit mabuhay sa gitna ng kawalan.
Ngayong eleksyon, nahaharap na naman ang mga mamamayan sa sangandaan ng mga pagpapasyang magdidikta sa kinabukasan ng bayan.
Ano ang Landas na tatahakin ng mga Pilipino? Nasa mga kamay ng bawat botante ang mahalagang desisyon. Dahil ang landas ng pagbabago, nasa isang boto ng bawat Pilipino.
Ito ang naiibang pagtatanghal na dapat tutukan mula umpisa hanggang wakas!
Landas, ngayong Linggo ng gabi, Mayo 5, pagkatapos ng Imbestigador sa GMA-7.
- Latest