GMA Christmas Short Films muling tumanggap ng pagkilala
MANILA, Philippines - Muling umani ng parangal ang GMA Network sa pangunguna ng kanilang sales and marketing arm na GMA Marketing and Productions, Inc. (GMPI) para sa mga makabuluhan at nakakaantig na GMA Christmas Short Films.
Nitong Dec. 7, tumanggap ng pagkilala ang mga 2011 Christmas Short Film na Kabisera at Hating Kapatid sa ginanap na 2012 Araw Values Awards Night sa branded communication division. Nanalo rin kamakailan ang Hating Kapatid sa prestihiyosong 2012 International Ad Stars Awards sa Busan, South Korea.
Ang Araw Values Advertising Awards, sa pangangasiwa ng Advertising Foundation of the Philippines, ay kumikilala sa mga socially-relevant advertising at marketing communications initiatives sa media.
Nag-uwi ng bronze award ang Kabisera para sa mahusay nitong pagtalakay sa kahalagahan ng pamilya sa panahon ng Kapaskuhan. Itinatampok si Isay Alvarez, ang Kabisera ay nasa ilalim ng direksiyon ni Dragon Pineda at binuo sa pakikipagtulungan ng Alaska Condensada.
Samantala, nagkamit din ng bronze award ang Hating Kapatid na isang kuwento ng dalawang magkapatid na matiyagang naghihiraman ng sapatos sa pang araw-araw. Sa direksiyon ni Louie Ignacio at pakikiisa ng SO LUCKY Soda Crackers, tampok dito sina Perla Bautista at Martin delos Santos.
Ngayong Disyembre, muling ipinagpapatuloy ng GMPI ang paghahatid ng mga maiiksing pelikula na may temang Kapaskuhan sa ika-pitong taon ng GMA Christmas Short Films. Mapapanood ang mga ito sa GMA 7 at GMA News TV tuwing commercial break at kinatatampukan ng mga naglalakihang Kapuso star.
Mapapanood din ang short films sa GMA Short Film YouTube channel sa http://www.youtube.com/user/gmashorts.
- Latest