Eula Caballero at JC De Vera, kasama sa Enchanted Garden
MANILA, Philippines - Hitik sa mas maraming adventures at twists ngayong buwan ang kauna-unahang eco-fantasya ng TV5, ang Enchanted Garden. Matapos ang mainit na paghaharap ng mga Diwanis na sina Alvera (Alice Dixson), Valerianna (Ruffa Gutierrez), at Quassia (Rufa Mae Quinto) laban sa mag-inang Helfora at Michiko (BB Gandanghari), mababalot naman ang Eden ng yelo sa ilalim ng pamumuno ni Emilia (Bing Loyzaga) na siyang reincarnation ni Helfora. Mas marami pang pagsubok ang kakaharapin ng mga Diwanis habang sila ay nasa kamay ni Emilia.
Abangan ang pagpasok ni TV5 Princess Eula Caballero na gaganap bilang ang dalagang si Ella na tila nalimutan na ang Eden pagkatapos ng sampung taon. Makuha pa kaya niyang ibalik ang kanyang alaala?
Makakasama rin sa Enchanted Garden ang TV5 Primetime Prince na si JC De Vera. Siya ay gaganap bilang si Edmond, isang matipuno at matapang na lalaking determinadong hanapin ang mga tao sa likod ng pag-atake sa kanyang nakatatandang kapatid na si Eric (John James Uy). Siya rin ay protective sa kanyang kapatid lalo na’t ito na lang ang natitira niyang kapamilya matapos na mawala ang kanilang tiyahin.
Hanggang saan kaya ipaglalaban ni Edmond ang kanyang kapatid na si Eric? Matulungan kaya siya ni Ella na harapin ang kanyang mga problema? Ano ang kahihinatnan ng paglalakbay ni Edmond sa Eden?
Patuloy na subaybayan ang mas umiinit na takbo ng Enchanted Garden. Huwag palalampasin ang mga bago at kaabang-abang na karakter nina Eula Caballero at JC De Vera.
- Latest