Sikat na personalidad na sa HK pa noon kumakain ng mami, todo kayod ngayon!
Super yaman ang dating ka-live-in ng sikat na showbiz personality. Noon, maya’t maya nasa abroad sila. Magmemeryenda lang at kakain ng mami, sa Hong Kong pa. At least twice a year nasa States at nagtu-tour sa Europe.
Napasyal kami sa kanilang bahay, daig pa ang art museum sa rami ng paintings mula sa mga master at National Artist for painting. Isang frame lang sa kanilang simpleng tirahan, milyones na ang halaga.
Biglang nagkaroon ng imbestigasyon at na-sequester lahat ang art treasures. Balik sa dating lifestyle ang sexy celebrity. Ewan kung may naitago silang expensive painting para sa future ng kanilang anak. Ang artista todo kayod na lalo’t yumao na ang kayang dating very rich partner.
Aktor hindi na kayang batiin ng gay executive na nagdusa sa gastos at pambababae ng dating karelasyon
Halos makabangga na ng isang gay executive ang isang mahusay na aktor sa isang okasyon pero hindi man lang niya binati. Tiyak ayaw nang maalaala ng beki kung paano siya nagdusa sa dating lover.
Bukod sa super expensive ang pag-maintain sa dating matinee idol, lagi pa siyang balisa sa pagbabantay at pagpigil sa pagpatol ng kanyang kabit sa mga chipipay na chicks. Para nga naman masabing lalaki pa rin siyang tunay.
Graceland nanalo uli sa San Diego Asian Film Festival
Nagwagi ng best narrative feature award sa San Diego Asian Film Festival ang Graceland: A Life for Every Lie ng Pinoy filmmaker na si Ron Morales.
Noong April lang, nanalo rin ang Graceland ng second place as best audience narrative prize sa Tribeca Film Festival in New York. Ikalawang indie film ni Ron ang Graceland na naglilibot pa sa iba’t ibang worldwide filmfest.
Pinoy animator 16 years na sa Walt Disney, kasali sa mga nag-edit sa Wreck-It Ralph
Ang Pinoy na si Virgilio John Aquino, isa sa mga animator ng bagong Walt Disney movie na Wreck-It Ralph.
Sa kuwento ni John, ang kanyang trabaho sa pelikula ay gumawa ng mga environment at backdrop para sa mga character sa pelukula. Siya rin ang isa sa mga naglilinis ng bawat eksena sa 3D animation.
Nasa Disney company na si John for 16 years. Isa sa most memorable creations niya sa Wreck-It Ralph ay ang isang daigdig na gawa sa candy, na tinawag na Sugar Rush.
Zia mas may pag-asa sa Miss Saigon kesa kay Karylle
Sa halip na si Karylle, higit na bagay maging Kim sa London revival ng Miss Saigon next year, ay ang kanyang kapatid sa ina na si Zia Quizon. Ang features kasi ng face ng anak ni Dolphy kay Zsa Zsa Padilla ay tulad ng Eurasian, na siyang character ng lead role. Dapat ding magmukhang teenager pa kapag nasa stage dahil bata pa ng umibig sa isang ’Kano si Kim.
Nasa homestretch na ng mga rehearsal at training ang mga Pinoy artist na sasabak sa audition. Maraming roles sa musical kaya’t malamang na makasali sa show ang ating mga very talented na musical artist. Pati male singers and dancers, may pag-asang makapagtrabaho sa West End, London.
Kung makapasa si Zia, maaari naman siyang payagan ni Zsa Zsa o kaya mag-chaperon na lang siya sa kanyang daughter. Puwede naman silang mag-rent ng isang maliit na flat doon at maaari pang mag-audition doon ang singer-actress sa mga available stage musical role. Malay natin, baka maging musical star din si Zsa Zsa.
Malilibang pa siya ng husto sa London, England at maiiwasan ang maging crayola queen kapag nagmumukmok mag-isa sa mga masasayang alaala ni Mang Dolphy.
Christmas ID ng GMA, pinag-isipan
Ilang linggong nauna ang Christmas plug ng ABS-CBN sa Yuletide campaign ng GMA 7. Nakita naman kung paano pinaghandaan ng husto nang nahuli ang sa kanila. May apat na istorya ito ng iba’t ibang Pasko mula sa pantasya hanggang sa temang tunay na Pinoy.
Halatang ayaw pakabog ang GMA sa kanilang selebrasyon ng Pasko. Sana pati sa mga teleserye at ibang palabas nila makapantay man lang sa Lopez network, kung hindi man makaabante.
Bagong MagpakAilanman ni Mel Tiangco may halong public service
Bukod sa mga makabuluhang istorya, gusto ni Mel Tiangco ang higit na may public service ang Magpakailanman revival. Kilala kasi siya sa paglilingkod-bayan kaya’t lahat ng programa niya sa TV ay gusto niyang makatulong sa maraming tao.
- Latest