Matapos ang 45 taon, Gina Pareño ikinasal sa kanyang first love
MANILA, Philippines - Matapos ang 45 taon na pagiging kasal sa iba, muling pinaglapit ng tadhana ang childhood sweethearts na sina Eliza at Lito upang tuparin ang pangako ng pag-ibig nila sa isa’t isa. Ang kuwento ng wagas na pagmamahalan nina Eliza at Lito ay bibigyang buhay sa Maalaala Mo Kaya ng dalawa sa pinakamahuhusay na beteranong aktor sa bansa na sina Gina Pareño at Dante Rivero.
Sa gitna ng matinding pagtutol ng mga mahal nila sa buhay, paano mabibigyang katuparan ng dalawang pusong pinaghiwalay ng panahon ang pangarap nilang humarap sa dambana?
Bukod kina Gina at Dante, bahagi rin ng MMK ngayong Sabado (Nobyembre 3) sina Sunshine Garcia, Rodjun Cruz, Belle Mariano, Nathaniel Britt, Justin Cuyugan, Mike Lloren, Encar Benedicto, Gilleth Sandico, Paolo Serrano, Bryan Termulo, at Janica Pareño.
Ito ay sa ilalim ng pananaliksik ni Alexandra Mae Martin, panulat ni Joan Habana, at direksyon ni Raz de la Torre na mapapanood ngayong Sabado, pagkatapos ng Wansapanataym, sa ABS-CBN.
Juris, puno ng kaligayahan ngayong Pasko
Tuluy-tuloy ang blessings ngayong taon para sa Soothing Voice of Asia at ASAP Sessionista na si Juris. Dahil bago matapos ang 2012, panibagong album na naman ang handog ni Juris sa lahat ng Pilipino sa buong mundo - ang all-OPM Christmas album niyang Paskong Puno Ng Kasiyahan.
Sa ilalim ng produksiyon ng Star Records, tampok sa first Christmas album ni Juris ang limang original tracks, kabilang ang Ilang Pasko Pa Ba na isinulat at nilapatan ng musika ni Arnie Mendaros; Nakaraang Pasko ni Tats Faustino; Mas Maligayang Pasko ni Jungee Marcelo; Paskong Wala Ka na isinulat ni Yugel Losarata at nilapatan ng musika ni Jonathan Manalo; Christmas Time na likha nina Carla Lozada-Concio at Francis Concio; at ang carrier single na Paskong Puno Ng Kasiyahan na composition mismo ni Juris.
Bahagi rin ng album ang isang cover song, ang Sana Ngayong Pasko na isinulat at nilapatan ng musika ni Jimmy Borja.
Mabibili na ngayon sa lahat ng record bars sa buong bansa sa halagang P199 lamang. Maaari na ring ma-download ang tracks ng album sa www.mymusicstore.com.ph at sa iTubes.
Lolo pop at dating konsehala na nakikipaglaban para mabuhay, tutulungan ng wish...
Dalawang may mabubuting puso ang tutulungan at bibigyang katuparan ang mga pangarap ngayong Sabado sa Wish Ko Lang.
Para sa mga mag-aaral ng Angeles University Foundation, malapit sa puso nila ang mabait na matandang nagtitinda ng lollipop sa labas ng paaralan. Kilala bilang Lolo Pop, Si Lolo Lito ay bumabiyahe pa mula Marilao, Bulacan patungong Pampanga para ilako ang makukulay na lollipop. Kung hindi nauubos ang kanyang paninda, sa bangketa na natutulog si Lolo Pop para makatipid sa pamasahe. Inilalaan niya kasi ang kinikita para sa gamot at therapy ng mahal niyang asawa na kamakailan lang ay na-stroke. Hangad ng mga suki ni Lolo Pop na siya naman ang matulungan at mapasaya.
Bilang konsehala, naging matapat, makatao, taos sa serbisyo si Corazon Ortiz ng Brgy. Lalakay, Los Baños, Laguna. Ngunit noong ikalawang termino niya, nag-umpisa na siyang magkasakit kaya ang paglilingkod niya ay naapektuhan. Kaya nang magtangka na tumakbo sa ikatlong pagkakataon, hindi na siya pinalad na manalo. Nawala ang masaganang buhay, ngayon ay naglalako na lang ng prutas at konting pagkain ang dating pulitiko. Pinapahirapan pa siya ng kanyang goiter at nabulag pa ang isang mata.
Samahan ang award-winning host na si Vicky Morales para pasayahin sina Lolo Pop at Cora ngayong Sabado sa Wish Ko Lang sa GMA7.
Moon Embracing the Sun, magtatapos na ngayong Biyernes
Ngayong Biyernes (November 2), bago mag-24 Oras sa GMA 7, ay magwawakas na ang pagmamahalan ng Hari at ni Yeon Woo sa pagtatapos ng high-rating Koreanovela na Moon Embracing the Sun.
Talaga namang mananaig ang kabutihan dahil matapos mamatay si Yang Myung gayundin ang Reyna dahil sa pag-iisip na siya’y inabandona na ng kanyang ama, si Prinsesa Mina naman ang magdaranas ng parusa. Malalayo siya sa kanyang asawa na si Yeom dahil sa utos na siya’y ipatapon at maglingkod sa pagamutan.
Mangingibabaw pa rin ang kabutihang loob ng Hari at ni Yeon Woo dahil makalipas ang ilang taon ay mapapatawad at bibigyan nila ng pardon si Prinsesa Mina. Hayaan na rin kaya ni Yeon Woo na magsama si Prinsesa Mina at ang kapatid na si Yeom?
Matuloy na kaya ang hinihintay na pagsasama ng Hari at Yeon Woo? Maging balanse na kaya ang lahat sa kaharian?
ROCCO NACINO
NAKITSIKAHAN SA ASWANG
Bampira…aswang…mga ‘di-pangkaraniwang nilalang na pinaniniwalaang sumisipsip ng dugo ng tao.
Sa isang barangay sa Maynila ay may isang lola raw na sinasabing aswang at nambiktima ng mga kababaihang buntis sa kanilang lugar. Sisiyasatin ni guest host Rocco Nacino ang pinagmulan ng mga kuwento tungkol sa mga bampira at aswang, na hanggang ngayon sa modernong panahon ay patuloy na laman ng mga bulung-bulungan.
Totoo man o hindi, may mga ilan naman ang naniniwalang sila ay nagmula sa lahi ng mga bampira. Isang eksklusibong ‘interview with a vampire’ (wannabe) ang dapat abangan! Sisilipin din ang mga ilang eksena sa pinakabago at huling kabanata ng Twilight The Movie.
Hahagilapin din ni Rocco ang iba pang mga nilalang na sumisipsip din ng dugo gaya ng linta, bampirang paniki, bampirang pusit, at marami pang iba. Pero hindi na kailangang lumayo pa dahil sa loob mismo ng ating mga bahay ay naglipana ang mga bloodsucker!
Aha-lam mo ba kung ano ang namumugad sa iyong kama?
Eh ano nga ba ang meron sa dugo ng tao? Ano ba ang sustansiyang taglay nito?
AHA: The Blood Suckers, ngayong Linggo, November 04, 9:15 ng umaga sa GMA 7. (SVA)
- Latest