Robin Padilla iginiit na 'Kastilang' eskwela ang DLSU kahit hindi naman
MANILA, Philippines — Mali-maling tinawag ng aktor na si Robin Padilla ang eskwelahang De La Salle University (DLSU) bilang itinatag diumano ng mga Kastila, ilang araw matapos masangkot sa pagpapakalat ng mga kontrobersyal na ideya pagdating sa kasaysayan ng bansa.
Linggo nang sabihin niya ito sa isang netizen na bumatikos sa kanya. Ipinagtanggol kasi ni Robin ang isang senador na nagsabing "Tausug" si Lapulapu kahit hindi naman suportado ng mga ebidensya — dahilan para manggalaiti din ang ilang istoryador.
"Wow... you got to be kidding. Are you from Ateneo? de la salle? UST? All Spanish established schools for insulares, peninsulares and mestizos. You don’t need to be a doctor of anything to accept reality," wika niya kahapon.
Ang aktor, na una nang nabatikos sa posisyong "walang maling bersyon ng kasaysayan ni Lapulapu," ay naninindigan pa rin sa nasabing isyu kahit humingi na ng tawad sa publiko ang senador na kanyang ipinagtatanggol.
Kilalang masugid na tagasunod ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersyal na "Bad Boy" ng pelikulang Pilipino, na sumikat ilang dekada na ang nakararaan dahil sa kanyang action films.
Itinayo ang DLSU sa panahon ng mga Amerikano
Kung titignan mismo ang website ng DLSU, kitang-kitang walang basehan ang claims ni Robin. Itinayo ito ng Catholic teaching congregation na "Brothers of the Christian Schools" noong 1911 — mahigit 13 taon matapos ang lumaya ang Pilipinas mula sa kolonyalismong Espanyol. Kolonyalismong Amerikano na noong panahon na ito.
"On June 16, 1911, nine brothers from Europe and the United States opened in the district of Paco, just outside the walls of the old city of Manila, the first La Salle school in the Philippines," ayon sa eskwelahan.
"[T]he American Archbishop of Manila, Jeremiah Harty, turned to the Brothers to pave the way for the introduction of English-based quality Catholic education in the country."
Ganyan din naman ang sinabi ng High School Philippine History Movement kaninang hapon, isang grupong nagsusulong ng pagtatatag ng asignaturang Kasaysayan ng Pilipinas sa mga sekundaryang paaralan.
"Ang De La Salle University (DLSU-Manila) ay itinatag noong June 16, 1911 noong panahon ng mga Amerikano. Una itong nagtanggap ng mga 125 mag-aaral. Itinatag ito sa tulong ng mga katolikong brothers, ang 'Institute of the Brothers of the Christian Schools' (FSC) o mas kilala bilang Lasallian Brothers," sabi ng grupo.
"Hindi po ito itinatag noong panahon ng Espanyol o ng mga Kastilang prayle. These are irrefutable historical facts. Walang personalan. Katotohanan lang po. Makinig po tayo sa mga eksperto. Iwasan pong magpaniwala sa mga pseudohistorians o sa mga kung sinu-sino lang."
[HISTORICAL FACTS] Ang De La Salle University (DLSU-Manila) ay itinatag noong June 16, 1911 noong panahon ng mga...
Posted by High School Philippine History Movement on Monday, May 3, 2021
- Latest