Mayang (93)
“SABIK na sabik sa iyo si Jeffmari,’’ sabi ni Mayang kay Jeff. “Nung wala ka pa, madalas niyang itanong kung kailan daw niya makikita ang kanyang daddy. Bakit daw ang tagal mong dumating. Lagi ko kasing sinasabi sa kanya na nasa malayo kang lugar at dun nagtatrabaho. Sabi pa nga sa akin, bakit daw hindi ka na rito magtrabaho. Puwede ka raw namang magtinda sa Pinamalayan Public Market. Bakit daw kailangang lumayo ka pa.
“Sabi ko naman sa kanya, malaki ang kinikita mo kaya ka nasa malayong lugar. Matatahimik siya. Pero pagkaraan uli ng ilang araw ay yun na naman ang tanong niya. Bakit daw ang tagal mong dumating at bakit daw hindi ka man lang tumatawag o nagti-text.
“Sagot ko naman ay masyadong busy ka sa trabaho. Hindi ka puwedeng abalahin dahil magagalit ang boss mo. Kapag sinabi ko yun ay tatangu-tango lang siya.
“Nauubusan na ako minsan nang idadahilan sa kanya. Talagang matalino siya at may sense ang mga itinatanong at sinasabi.
“Kaya nga lagi akong nagdarasal na sana ay dinggin na ng Diyos ang aking kahilingan na isang araw ay bigla kang dumating. Idinarasal ko na sana ay bigla kang magpakita sa amin. At nagkatotoo ang dasal ko—dumating ka nga!’’
“Ganyan din ang dasal ko Mayang. At malaki ang naitulong ni Mam Araceli sa atin. Kung hindi sa kanya, baka hindi pa tayo nagkita.’’
“Oo. Malaki ang nagawa ni Mam.’’
“Puntahan natin siya bukas para makapagpasalamat.’’
KINABUKASAN, dinalaw nila si Mam Araceli sa Hidalgo St. sa Quiapo. Tuwang-tuwa ang guro. Masiglang masigla na ito mula nang maging cancer-free.
“Labis akong natutuwa at nabuo ang inyong pamilya. Masayang-masaya ako para sa inyo!’’ (Itutuloy)
- Latest