KINALADKAD ng da-lawang lalaki si Lex sa kulungan ng itik. Ang kulungan ay napapalibutan ng chicken wire at mga second hand na yero. May kamalig pala roon na nagsisilbing silungan ng mga itik kapag matindi ang init ng panahon. Tambakan din ng mga pakain sa itik at manok ang kamalig.
Ibinagsak si Lex sa gitna ng kamalig.
‘‘Todasin na kaya natin ang hambog na ito!’’ sabi ng isa sa mga lalaki.
“Huwag! Hindi pa niya sinasabi kung nasaan ang maleta ng bushab. Si Paulo ang totodas sa gagong ito at saka ililibing gaya nang ginagawa natin sa mga hindi nagre-remit ng kita sa bushab.’’
‘‘E paano magsasalita ang gagong ito e bugbog sarado na? Wala nang malay e.’’
“Buhusan natin ng tubig na galing dun sa pinagliliguan ng itik para magkamalay.’’
“Sige kumuha ka at iidlip lang ako roon sa may tambak ng feeds. Antok na antok ako. Wala pa tayong tulog mula kagabi dahil dito sa tarantadong ito.’’
“Sige pagkatapos mong umidlip e ako naman. Kukuha lang ako ng tubig dun sa nililiguan ng itik.’’
“Sige. Bantayan mong mabuti ito ha. Lagot tayo kay Paulo kapag nakawala ito.’’
“Paano makakawala ‘yan e hindi nga makagulapay dahil sa dami ng tama. Akala ko tigasin, bakla nga siguro ‘yan.’’
“Tama na ang satsat. Basta bantayan mo! Sige, tutulog muna ako,’’ sabi at nagtungo sa tambakan ng feeds at saka humilata sa mga nakalatag na sako.
Kumuha naman ng tubig ang isa sa mga lalaki para ibuhos kay Lex. Nakakita siya ng 1-liter plastic bottle at doon inilagay ang tubig.
Pero nang babalik na para ibuhos kay Lex ang tubig, isang malakas na palo sa ulo ang tumama sa kanya. Isa pang palo at bumagsak ang lalaki. Nabitawan ang plastic bottle.
(Itutuloy)