Krema (36)

HIRAP na hirap si Krema sa pagbatak ng pantalon ni Lex. Basang-basa kasi ang pantalon at puno ng putik kaya mahirap hubarin. Kumapit sa balat ni Lex.

Itinodo ni Krema ang puwersa para mahubo ang pantalon at nang maalis ang hito na pumasok.

“Ummmmm!’’

Pero ayaw talagang mahubad.

“Itulak mo pababa, Lex para madali kong mahila!” sabi ni Krema na nakahawak sa laylayan ng pantalon.

Sa totoo lang, kinakabahan si Lex ng mga sandaling iyon. Baka biglang mahubo ang pantalon niya ay sumama pati ang brief niya, Mas kahiya-hiya iyon kay Krema. Baka ibang “hito” ang makita ni Krema.

“Teka Krema, lulundag na lang kaya ako para malaglag ang hito. Kasi’y parang mahirap hubarin ang pants ko, dahil nakakapit sa balat ng hita ko.’’

“Pero kaya ko nang hatakin, sige pa i-try natin.”

“Lulundag na lang ako, Krema. Baka naman paglundag ko e sumama na itong hito na nasa loob.’’

“Sige pero baka matibo ang hita at binti mo dahil sasabit sa pants mo.’’

“Hindi! Lulundag na lang ako, Krema. Palagay ko sasama paglundag! Babagsak ang walanghiyang hito.’’

“Sige, ikaw ang bahala. Mas maganda kung mahuhubad ang pants mo para madaling makuha ang hito.’’

Naglulundag si Lex. Ilang lundag ang ginawa niya.

Hanggang may bumagsak sa paanan niya.

Gulat na gulat si Krema sa nakita.

“Dalag ito hindi hito! Kaya pala mabilis gumapang.’’

“Kaya hindi ako natibo?’’

“Oo. Walang tibo ang dalag. Akala ko  talaga hito ang pumasok.’’

Nagtawa si Krema pagkatapos.

Pagkaraa’y dinampot ang dalag na kasinglaki ng braso ng bata.

Nakahinga naman nang maluwag si Lex. Kung nahubad ni Krema ang kanyang pants, maaaring sumama ang brief niya at tiyak na lalabas ang kanyang “balbasing hito”.

“Bakit nagkaroon ng dalag dito, Krema?’’

“May ganun talaga. Kapag bumabaha, may nakakapasok na dalag dito sa palaisdaan.’’

“Pero bakit mabilis gumapang ang dalag?’’

“Talagang mabilis gumapang yan. Nabubuhay nga ng ilang araw ang dalag sa katihan na pagapang-gapang lang. Iba kasi ang kaliskis nila, malalaki kaya kumakapit.’’

Napa-ah na lang si Lex. Hindi niya malilimutan ang karanasang iyon.

(Itutuloy)

Show comments