EDITORYAL - Sistema ng edukasyon ginulo ng pandemya
GINULO ng pandemya ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Mula sa face-to-face classes, biglang nag-shift sa online education noong school year 2020-2021. Gamit ang gadgets, sa harap ng computer screen, telebisyon, radio at cell phones nagkaroon ng klase. Ang mga walang kakayanang mag-online dahil walang computer, laptop at cell phone, printed modules ang dini-distribute ng mga guro. Pinupuntahan isa-isa ng mga guro ang mga estudyante para sa modules.
Sa loob ng isa at kalahating taon na online classes, may mga nakitang depekto ang Department of Education (DepEd), marami sa mga bata ang hindi sapat ang natutuhan kumpara sa face-to-face classes. Maski ang mga magulang ay duda rin kung may natutuhan ang kanilang mga anak sa online classes. Kamakailan, napaulat na may “online cheating” na nangyayari sa mga estudyante.
Noong Nobyembre 15, 2021, nang bumaba ang COVID cases sa ilang bahagi ng bansa, itinuloy na ng DepEd ang pilot face-to-face classes. Ang Pilipinas ang pinakahuli sa buong mundo na bumalik sa face-to-face classes. Ayon sa DepEd naging matagumpay ang pilot implementation para sa public at private schools. Walang naiulat na estudyanteng nahawa ng COVID-19 kaya masasabing tagumpay ang face-to-face classes. Subalit noong nakaraang linggo, tuluyan nang sinuspende ang face-to-face classes sa buong bansa dahil sa pagdami na naman ng kaso ng COVID.
Ang mga bata ang talo na naman sa nangyaring ito. Wala silang natututuhan sa sistema. Ayon sa pag-aaral ng World Bank, siyam sa 10 bata sa Pilipinas na may edad 10 ang hindi makabasa mula nang ipatupad ang online classes noong 2020. Mahalaga pa naman anila na makabasa sapagkat ito ang pintuan para matuto sa ibang larangan gaya ng math, science at humanities.
Ngayong balik sa online classes, mahalagang magabayan ng mga magulang ang mga anak upang mayroon silang matutuhan. Ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng edukasyon. Hindi dapat maiwan sa kaalaman. Hindi naman magtatagal at babalik din sa normal ang lahat. Mawawala rin ang salot na pandemya na ginulo ang sistema ng edukasyon sa bansa.
- Latest