^

Punto Mo

Bansang nawawala sa sarili

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAIIYAK tayo kapag may isang kakilala na napag-alaman nating nawawala sa sarili. Paano kung ating mapagtanto na ang buong Pilipinas mismo ang nawawala sa kanyang sarili. Hindi lamang tayo dapat malungkot, dapat tayong manangis. May mga nagsasabi na hindi tayo nawawala sa ating sarili, sapagkat matagal na tayong nawala.

Palayo tayo nang palayo sa magagandang katangian ng ating lahi. Noon, ang pakikisama ay isang katangiang nagpalutang sa ating pagiging palakaibigan. Ngayon, ang pakikisama ay ginagamit para mapanatili ang isang hindi mabuti. Bakit hindi isinuplong ang isang lumabag sa batas? Kasi, nakikisama. Dahil sa pakikisama, kahit ang mali ay ginagawa nating tama, at ang tama ay ginagawa nating mali.

Noon, ang utang na loob ay isang katangiang tumitiyak na lagi nating ginagantihan ng mabuti ang anumang gawang mabuti. Ngayon, ang utang na loob ay ginagamit para mapanatili sa kapangyarihan ang mga hindi karapat-dapat. Kahit may rekord ng pagnanakaw, ibinoboto pa rin natin dahil minsan tayong tinulungan. Kahit may rekord ng pang-aabuso, tinatangkilik pa rin natin dahil mabait sa atin. Kahit walang alam sa pamumuno, pinipili pa rin natin dahil kapitbahay o kaibigan ng ating kaibigan. Nawala na ang ating pambansang kamalayan. Ang mahalaga lamang sa atin ay nakinabang tayo o ang ating pamilya, kahit nagdusa ang buong bayan.  

Noon, ang isang lider o kandidatong nasangkot sa katiwalian ay hinding-hindi mananalo sa isang halalan. Ngayon, hindi na isyu kung tiwali ang isang tao dahil karamihan naman ay tiwali. Ang hinahanap na lamang natin ay kung sino ang mas suwabe ang pagiging tiwali. Noon, ang katiwalian ay isang bagay na mariing kinukundina. Ngayon, ang katiwalian ay itinuring na nating isang kutura, hindi na maiaalis dahil bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay.

Noon, ang isang lider o kandidato na nasangkot sa patayan ay hinding-hindi makakakuha ng ating tiwala. Ngayon, itinuturing pa nating makabagong bayani ang sinumang nasangkot sa patayan, basta’t ang pinatay ay itinuturing na salot ng lipunan. Noon, ang isang lider na nagmumura at kumukutya sa Diyos ay tinatawag nating walang modo. Ngayon, pinapalakpakan pa natin nang todo. Noon, ang isang lider na nabalitaang gumagamit ng droga ay ipinupuwera. Ngayon, ay “in na in” pa. Noon, malaking kapintasan sa isang mataas na pinuno ang mabistong may kalaguyo, kung kaya’t ito’y isang lihim na pinakakatagu-tago. Ngayon, ito’y ipinagmamalaki pa, at tayo naman, hinahangaan pa natin ang isang lider na ganito. Ay, naku, sumadsad na hanggang sa takong ng ating sapatos ang ating moralidad!

Nasasanay na rin ang mabubuting tao sa paggawa ng masama. Bakit? May paliwanag dito si Philip Zimbardo, isang American psychologist. Tinawag niya itong “Lucifer Effect.” Sa Bibliya, si Lucifer ay isang napakagandang anghel na nais maging kapantay ng Diyos sa kapangyarihan, kung kaya’t siya’y pinalayas sa langit.

Ang isang taong mabuti’y maaaring gumawa ng masama dahil sa hawak na kapangyarihan, dahil sa pakikiayon sa umiiral na kultura, at dahil sa pagturing sa iba na may mababang pagkatao. Kung sa tingin mo, ang isang squatter ay kriminal at adik, kahit ipapatay mo ito’y wala kang mararamdamang habag o hindi mo ituturing na ito’y kasalanan. Aba, kapag nagpatuloy ang ganitong kaganapan, hindi lamang tayo tatawaging bansang nawawala sa sarili, kundi isang bansang kaalyado ni Lucifer!   

PILIPINAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->