Mayang (178)
“MAY tumatawag Jeff. Sino kaya yun?’’ sabi ni Mayang.
“Mabilis nilang tinungo ang pinto para tingnan kung sino ang tumatawag.
Isang lalaki ang nakita nila—si Mulong—ang helper nila sa palengke. Si Mulong ang laging kasama ni Lolo Nado sa puwesto ng damitan. Si Lolo Nado ang tumatao sa damitan sa umaga. Pagsapit ng tanghali ay papalitan ito ni Mayang.
“Jeff, si Lolo Nado nawawala!”
“Saan nagpunta?”
“Hindi ko alam, Jeff. Biglang nawala habang nagbubuhat ako ng mga damit. Hinanap ko sa paligid pero hindi ko makita.”
Nabahala si Mayang.
“Saan nagpunta yun? Baka naman may binili lang?” sabi ni Mayang na halatang nag-aalala.
“Kung may binili sana e nakabalik na agad. Tantiya ko, nawala siya ng alas nuwebe ng umaga, e anong oras na ngayon?’’
“Hindi kaya umuwi sa bahay niya sa Socorro?” tanong ni Jeff.
“Sira-sira na ang kubo niya sa Socorro kaya wala na siyang uuwian dun,” sabi ni Mayang. “At saka di ba sabi niya hindi na muna siya uuwi roon. Kapag uuwi siya roon ay gusto na kasama tayo.’’
“Oo nga, sinabi niya yun.’’
“Kaya nakapagtataka kung bakit bigla siyang nawala. At bakit hindi nagpaalam kay Mulong?’’
Nag-isip si Jeff.
Hanggang biglang maalala niya ang isang lugar na regular na dinadalaw ni Lolo Nado—ang puntod ni Lola Encar.
“Alam ko na kung nasaan si Lolo Nado, Mayang!”
“Saan Jeff?’’
“Sa puntod ni Lola Encar!”
Biglang nagliwanag ang mukha ni Mayang.
“Oo nga! Tama ka, Jeff, nasa puntod siya ni Lola Encar.”
“Di ba matagal siyang hindi nakadalaw sa puntod dahil naospital siya nang makipaglaban sa mga tauhan nina Henry at Puri noon? Sabi niya, kapag magaling na magaling na siya saka dadalaw sa puntod.’’
“Oo, sinabi nga niya yun. Puntahan natin si Lolo Nado, Jeff. Baka mapaano ang matanda sa sementeryo. Malayo pa naman yun.”
“Halika.” (Itutuloy)
- Latest