Mayang (174)
“Sabi raw ni Cynthia kay Mam Araceli, hindi makapaniwala si Manuel sa bilis ng mga pangyayari. Natigilan at matagal daw na nag-isip si Manuel. Nang matauhan ay saka raw ito nagtanong kay Cynthia kung paano nangyari ang lahat. Tila walang alam si Manuel sa nangyari sa kanila ni Cynthia. Talagang lasing na lasing ito.
“Sinabi ko kay Manuel na kailangang pakasalan niya ako dahil sa mga nangyari sa amin. Kapag hindi kami nakasal ay baka kung ano ang gawin ng aking mga magulang. Baka kung ano rin ang gawin ng aking mga tiyuhin na pulis at NBI kapag nalaman ang nangyari sa akin.
“Hindi na nakapagsalita si Manuel na parang pilit pa ring itinatanong sa sarili kung bakit napakabilis ng mga pangyayari. Nabakas ko sa mukha niya ang matinding pag-aalala. Naisip ko, baka ang iniisip niya ng mga sandaling iyon ay ikaw, Araceli. Nabanggit kasi niya na magkikita raw kayo ng araw na may mangyari sa amin.
“Hanggang sa magpaalam siya sa akin. May kakausapin lang daw siyang tao na mahalaga sa kanya. Huwag daw akong mag-alala dahil babalik siya at pananagutan ang nagawa sa akin. Hindi raw siya tumatalikod sa responsibilidad. Lalaki raw siya at may isang salita. Hindi raw ako dapat matakot na hindi na babalik.
“Hindi niya sinabi kung sino ang mahalagang tao na kakausapin niya pero malakas ang kutob ko na ikaw ang kakausapin ni Manuel, Araceli.
“Makaraan iyon, bumalik siya at sinabi sa aking mga magulang na handa niya akong pakasalan.
“Naganap ang aming kasal. Pagkatapos ng kasal ay nagbitiw siya sa pagtuturo at sa Maynila na kami nanirahan. Nagtrabaho siya sa isang pribadong kompanya. Nagkaroon kami ng dalawang anak. Sa loob ng ilang taong pagsasama ay naging mabait sa akin si Manuel. Hindi siya bumanggit kahit minsan ng mga nangyari ng gabing nilasing ko siya. Hindi niya ako sinisi sa nangyari.
“Hanggang mamatay si Manuel. Iyak ako nang iyak. Ako ang may iniingatang guilt. Ako ang may kasalanan.
“Kaya ipinasya kong lapitan ka Araceli. Gusto kong humingi ng tawad sa iyo. Patawarin mo ako!
“Sana mapatawad mo ako Araceli.”
Walang imik si Mam Araceli. Naisip niya si Manuel. Wala palang kasalanan si Manuel!
(Itutuloy)
- Latest