‘Pala’ (Part 14)

TINUPAD ni Mam Socorro ang pangako sa akin na pag-aaralin sa kolehiyo. At hindi lamang basta ang pagtulong niya sa akin sapagkat sa mismong bahay niya sa Maynila ako pinatira at sa isang sikat na unibersidad pinag-aral. Matataas din naman kasi ang grades ko nang magtapos ng high school kaya madali akong nakapasa sa entrance exams ng kolehiyo para sa kursong engineering.

Ang bahay ni Mam Socorro ay nasa malawak na lote—mga 500 square meters. Walang gaanong tanim ang lote maliban sa mga puno ng mangga.

Sabi ko kay Mam, puwede kong taniman ng mga gulay ang bakanteng lupa. Bukod sa gulay, puwede ring tamnan ng mga namumulaklak na halaman.

“Sayang po ang bakanteng espasyo Mam,’ sabi ko.

“Aba sige Juanito. Pero gagawin mo lamang yan kung wala kang pasok sa unibersidad. Kailangang magbuhos ka ng atensiyon sa pag-aaral.’’

“Opo Mam. Gagawin ko kapag Linggo.’’

“Sige.”

Pero bago ko ginawa ang pagbungkal sa lupa, ni-request ko kay Mam na kailangang makuha ko muna ang aking pala sa probinsiya para magamit. Nang umuwi si Mam sa probinsiya, kinuha niya ang ­aking pala. Mayroon naman kasing bagong gamit si Danilo sa pag-aasikaso sa taniman ng gulay ni Mam. Katulong ni Danilo si Itay sa pag-aalaga sa vegetable garden.

NABUNGKAL at nataniman ko ang espasyo sa malaking lote ni Mam. Naging vegetable garden din.

Tuwang-tuwa si Mam sapagkat ang bakanteng bakuran ay naging berdeng gulayan.

Minsan napansin ni Mam ang aking pala. Bakit yun daw ang ginagamit ko. (Itutuloy)

Show comments