‘Pala’ (Part 13)
DUMATING si Mam Socorro makalipas ang isang linggo. Buhay na buhay na ang mga tinanim naming petsay at mustasa. Pawang mga berde na ang dahon ng mga ito. Nagpapakita na mabubuhay.
Tuwang-tuwa na naman si Mam.
“Maaasahan ka talaga Juanito—kayong dalawa ni Danilo. Napakasuwerte ko na kayo ang mga nag-asikao ng lupa ko.”
“Salamat po Mam.”
“Dahil diyan, mayroon akong ipagkakaloob sa inyong dalawa—ito ay kung gusto lamang ninyo.”
“Aba opo Mam. Tatanggapin namin anuman ang ipagkaloob mo.”
“Di ba magtatapos ka na ng high school, Juanito?”
“Opo Mam. Next school year po ay magkokolehiyo na ako.”
“Tamang-tama! Ano naman ang balak mong kuning kurso?”
“Gusto ko po ay civil engineering.”
“Aba magaling! Pag-aaralin kita!”
Hindi ako makapagsalita. Parang nalulon ko ang dila.
“Nasabi sa akin ng itay mo na prolema nila ang pagpapaaral sa inyo. Kaya para makatulong ako, pag-aaralin kita. At si Danilo ay ganundin.”
Napaiyak ako.
Nagpasalamat ako kay Mam Socorro.
Bigla kong naisip ang pala. May dala talagang suwerte ang napulot kong pala. (Itutuloy)
- Latest