108-anyos na lola sa Japan, pinakamatandang barbero!

ISANG pambihirang world record ang naitala matapos kilalanin si Shitsui Hakoishi, isang 108-anyos na lola, bilang “Oldest Female Barber” sa buong mundo ayon sa LongeviQuest at Guinness World Record.

Sa loob ng kanyang maliit na barberya sa Tochigi Prefecture, patuloy pa rin si Ginang Hakoishi na humahawak ng gunting na gamit na niya mula pa noong panahon bago sumiklab ang World War II.

Ipinanganak noong ­Nobyembre 10, 1916, mula sa isang pamilyang magsasaka, maaga naging barbero si Hakoishi. Sa edad na 14, nagpasya siyang maging apprentice sa isang salon sa Tokyo.

Pagsapit niya ng 18-anyos, pumasa siya sa pagsusulit para maging ganap na barbero at agad na naging tanyag sa mga shop na kanyang pinagtrabahuhan.

Nagpakasal siya sa asawang si Jiro sa edad na 24 at nagtayo ng sariling barberya. Ngunit hindi nagtagal, pinadala sa giyera ang kanyang mister at hindi na nakabalik. Sa kasagsagan ng pambobomba ng U.S. sa Tokyo, natupok ng apoy ang kanyang tahanan at barberya, pero masuwerte silang nakaligtas matapos lumikas pabalik sa Tochigi.

Noong 1953, muling binuksan ni Shitsui ang kanyang barbershop, ang “Rihatsu Hakoishi” sa bayan ng Nakagawa-machi, kung saan patuloy siyang nanggugupit hanggang ngayon.

Kahit karamihan ng oras niya ay ginugugol sa isang home for the aged, hindi niya tinatalikuran ang kanyang matagal nang propesyon kung saan “on-call” siya tuwing may suking kliyenteng gustong magpagupit sa kanya.

Sa kabila ng kanyang edad, pinanghahawakan niya ang tatlong prinsipyo sa buhay: huwag magkimkim ng galit, huwag mainggit, at huwag makipagtalo. Ito raw ang sikreto niya sa mahabang buhay.

Isa sa kanyang pangarap ay mapasama sa talaan ng mga Guinness World ­Records, at sa wakas, natupad na rin ito na isang patunay na ang dedikasyon at sipag ay walang pinipiling edad.

 

Show comments