Mayang (165)
NAGPATULOY si Mayang sa pagkukuwento ng nakasasabik na lovelife ni Mam Araceli. Isang lalaking guro ang kanyang nakilala sa isang seminar at mula nang magkakilala ay walang patid na ang pagdalaw sa bahay ni Mam.
Ang lalaki ay si Manuel, isang math teacher at naninirahan sa kalapit na bayan. Tuwing Sabado ay walang palya sa pag-akyat ng ligaw si Manuel. Sa tuwing dadalaw ay may dala itong isang pumpo ng mapupulang rosas.
Nagtaka raw ang kapatid na babae ni Mam sa madalas na pagdalaw ni Manuel. Tinanong daw si Mam kung nobyo na si Manuel. Hindi raw. Nanliligaw pa lang daw.
Tinanong daw si Mam ng kapatid kung may gusto kay Manuel. Hindi raw agad nakasagot si Mam. Nagtawa raw ang kapatid ni Mam at binuko na may gusto ito kay Manuel.
Napangiti lang daw si Mam.
Makalipas daw ang ilang buwan na panliligaw ni Manuel ay ipinagkaloob na ni Mam ang matamis na “oo” sa binata.
Masayang-masaya raw si Manuel makaraang sagutin ni Mam. Hindi raw maipaliwanag ang kasiyahan. Nangako raw si Manuel na si Mam lamang ang tanging mamahalin.
“Napakaganda pala ng love story nina Mam,’’ sabi ni Jeff. “Ano pang sumunod na kabanata, Mayang?’’
“Tuwing Sabado pa rin daw ang pagdalaw ni Manuel sa bahay nina Mam. Lagi pa ring may dalang rosas si Manuel.”
“Talagang love na love si Mam.’’
“May pagkakataon na namamasyal sila sa ibang lugar at kumakain sa labas. Pagkatapos ay uuwi na.’’
“Kailan nila pinag-usapan ang kasal, Mayang?’’
“Pinag-usapan nila ang kasal makalipas ang isang taon. Si Manuel daw ang nagbukas ng usapan ukol sa kasal. Nagulat nga raw si Mam sapagkat talagang desidido na si Manuel na magkasama sila habambuhay. Talagang may plano ito para sa kanila. Sabi ni Mam, ang lalaking nag-aalok ng kasal sa kasintahan ay totoo ang niloloob.
“Kaya sabi ni Mam, si Manuel na talaga ang lalaking makakasama niya habambuhay. Wala na siyang hahanapin pa kay Manuel na labis ang pagmamahal sa kanya.
“Sabi ni Mam, pinlano na nila ang pagpapakasal. Masayang-masaya raw siya.”
(Itutuloy)
- Latest