‘Pala’ (Part 10)
IPINAGPATULOY namin ng kapatid kong si Danilo ang paggawa sa lupa ni Mam Socorro.
Matapos naming hukayin ang balon at magkaroon nang masagana at malinis na tubig, ang pagtatanim ng gulay ang isinunod naming gawin.
Inilipat namin sa plot ang mga seedlings ng petsay. Sampung plot ang nataniman namin ng petsay. Dinilig namin pagkatapos at nilagyan ng mga saha bilang kober bawat puno ng petsay.
Kinabukasan, mga mustasa naman ang tinanim namin. Sampung plot ang aming natamnan.
Makalipas lamang ang Tatlong araw ay buhay na buhay agad ang mga gulay. Araw-araw naming dinidilig.
Napakagandang tingnan ng mga plot na may tanim.
Nang muling bumisita si Mam Socorro ay hindi siya makapaniwala sapagkat berdeng-berde na ang mga petsay at mustasa.
“Nakakabilib kayong magkapatid, Juanito! Paano n’yo nagawa yan sa loob ng maikling panahon?’’
“Tiyaga po lamang Mam Socorro,’’ sagot ko.
“Kasi berde-berde na ang mga gulay. Baka pagbalik ko, anihin na yan!”
“Mga dalawang buwan po e puwede na ito, Mam.”
“Talaga? Ganun kabilis?”
“Opo.’’
Sa labis na tuwa ni Mam Socorro ay binigyan niya ako ng tatlong libong piso at isang libo naman kay Danilo.
“Pagbalik ko, mas malaki pa riyan ang ibibigay ko,” sabi ni Mam.
“Maraming salamat Mam.’’
“Walang anuman. Sige aalis na ako.”
Nang makaalis si Mam ay masayang-masaya kami ni Danilo.
“Marami na naman tayong pera, Kuya.”
“Naniniwala na talaga ako na suwerte itong pala ko, Danilo.’’
(Itutuloy)
- Latest