HINDI sapat ang lakas ng loob at popularidad ng isang gustong maging kongresista o senador upang maging garantiya na magiging kapaki-pakinabang siya sa panunungkulan sa bayan.
Malamang na maging pabigat pa sa balikat ng mamamayan kung ang mananalo at manunungkulan ay walang sapat na kaalaman sa tunay na kalagayan ng pamumuhay ng bawat Pilipino. Hindi isang drama at barkadahan lamang ang manungkulan sa bayan. Remember!
Hindi porke’t sikat ang isang tao ay magiging kabalikat na ito ng mamamayan sa bulwagan ng kongreso at senado. Hindi po hanapbuhay ang manungkulan sa bayan. Hindi po pagrerepaso ng “script” ng sarswela ang tungkulin ng isang kongresista at senador. Pag-ugit ng batas ang trabaho nito.
Maraming kumakandidato ang humaharap sa bayan na may sapat na dunong at mas kuwalipikado kung dedikasyon sa panunungkulan ang pagbabasehan. Hindi nga lang sila sikat na personalidad na tulad ng kanilang mga kalaban.
Plataporma de gobyerno ang dapat na “iniluluhog” ng mga kumakandidato at hindi pang “porma de grupo” lang ang dahilan kung bakit sila tumatakbo. Malamang na “ihuhulog” tayo ng mga ito sa mas matinding delubyo.
Hindi rin garantiya na magiging magaling na mambabatas ang kandidato dahil isa siyang abogado, lalo’t wala pa itong napapatunayan sa serbisyo publiko tulad ng isang abogadong “pro-bono”. Hindi ‘yung “pro-POGO”, ha-ha-ha!
Bundok na problema na meron ang Philippines. Lumutang sana muli ang Espiritu ni Aquino at Pangilinan ng mamamayan ang banal na eleksiyon. Amen po ba?
Mas makabubuti sa bayan kung balanse ang bilang ng mga kongresista at senador na kabalikat ng administrasyon at maging nasa hanay ng oposisyon. Proteksiyon ‘yan laban sa karumal-dumal na nakawan. Kung hindi masusuhulan!
Ang dating kritiko ng administrasyon ni President Bongbong Marcos na lumundag sa partido nito ngayon ay maliwanag na pondo at makinarya lamang ng gobyerno ang habol. Manalo kaya?