LINGID sa aking kaalaman, binalak pala akong kuhaning ninang ng isang tao noong araw para sa kanyang anak. Ayon sa kuwento, ganito raw ang dayalog ng mag-asawang nais kumuha sa akin na maging ninang ng kanilang anak pero hindi naman close sa akin:
“Si Annabelle na lang ang kuhanin nating ninang…wala na akong maisip.”
Ang taong nakikinig sa usapan ay hindi nakatiis makialam sa usapan:
“Aba kung hindi buo sa loob n’yo na maging ninang ng inyong anak ang isang tao at kukunin n’yo lang siya dahil wala na kayong mapili, mabuti pa’y huwag na ninyong abalahin ‘yung tao. Unfair naman ‘dun sa tao! Pagagastusin ninyo, e, hindi pala n’yo masyadong type maging ninang ng anak n’yo.”
Minsan kasi sa sobrang dami na ng anak, halos lahat na ng close friends ay nakuha nang kumpare at kumare. Kaya pagdating sa ikalabing-isang anak, ubos na sina “Close Friends”. Kahit na lang sino ay kukuhaning godparents.
Sa Czechoslovakia, isang major celebration ang pagpapabinyag sa isang sanggol. Ang importansiya nito ay kapantay ng pagpapakasal. Sa araw ng binyag, ang mga magulang ay nasa bahay at nagdadasal. Ang kasama ng bata sa simbahan ay kanyang mga ninong at ninang.
Sa Czech tradition, automatic nang nagiging legal guardian ang godparents in case na maging ulilang lubos ang bata. Ang godparents na kinuha para sa panganay na anak ay magiging godparents na rin ng mga magiging anak hanggang sa pinakabunso.
Sa ganitong paraan, hindi magkakahiwalay ang magkakapatid kapag sabay na namatay ang kanilang mga magulang dahil isang grupo lang ng godparents ang mangangalaga sa mga anak.
Kaya ang pagkuha ng magiging ninang at ninong ng mga bata ay napakaimportanteng bagay sa mga magulang. Dapat maseguro ng mga magulang na mapapapunta sa mabubuting kamay ang kanilang anak sakaling bigla silang pumanaw.