DUMATING sina Puri at ka-live-in na si Henry. Naka-face mask at naka-jacket ng itim. Armado. Sa itsura ng mga ito ay hindi na magpapahuli ng buhay. Lalaban kapag nasukol ng mga pulis. Nagmamadali ang mga ito na parang may humahabol.
“Nasaan si Mayang at iba pang tao sa bahay na ito?’’ tanong ni Puri sa tauhan na nilatigo ni Lolo Nado kanina. Nakatingin lang si Henry. Mailap ang mga mata.
“Walang ibang tao rito kundi ang matandang ito, Puri. Pinahirapan kami ng matandang ito kanina. Hinagupit kami ng latigo. Napakasakit!’’
“Mga gunggong! Dapat binaril mo! Para latigo lang!’’
“Hinampas ko ng baril sa ulo ang matanda kaya natulog!’’
“Nasaan ang iba pa? Nasaan si Mayang—siya lang ang kailangan natin!’’
“Wala kaming nakita Puri—itong matanda lang ang narito!”
“Bobo ka talaga! Naghanap ka na ba?’’
“Hindi pa, Puri.”
“Hanapin mo sa mga kuwarto! Ikaw ang babarilin ko kapag hindi mo nakita si Mayang!’’
“Oo Puri!’’
Mabilis na hinanap ng tauhan sina Mayang. Pinasok ang mga kuwarto. Pinagsisipa ang pinto.
Hindi nakita sa dalawang kuwarto na pinasok.
Ang kuwarto na kinaroroonan nina Mayang ang tinungo.
Samantala sa loob, nakahanda si Mayang at Mam Araceli. May hawak silang gunting. Pagpasok ng sinuman, sasaksakin nila. Si Jeffmari ay nakasubsob sa mga unan.
Narinig nila ang boses ni Puri at ang kalabugan sa kabilang kuwarto. Nararamdaman nila na ang kuwarto na kinaroroonan ang sunod na papasukin.
Hanggang sa nagulat sila nang biglang may sumipa sa pinto. Wasak ang seradura. Nakapasok ang lalaki.
Sinaksak ni Mayang ang lalaki. Tinamaan sa tiyan.
Nagsisigaw.
“Sinaksak akooooo!’’
Sumugod sina Puri at Henry.
Pagpasok nila sa kuwarto, inundayan sila ng saksak nina Mayang at Mam Araceli. Tinamaan si Henry sa braso.
“Putang…”’
Babarilin na nito si Mayang at Mam Araceli.
“Huwag!’’ sabi ni Puri at saka mabilis na hinablot ang batang si Jeffmari.
“Halika!”
(Itutuloy)