Pianist, nakapagtala ng bagong guinness record dahil sa mabilis na pagpindot nito sa piano key!
Isang bagong world record ang naitala ng Japanese musician na si Keita Hattori matapos niyang pindutin ang isang piano key nang 1,030 beses sa loob ng isang minuto.
Matagal nang musikero si Keita, at dati na rin siyang nakapagtala ng world record sa mabilisang pagtugtog ng drums.
Ngunit sa kanyang pinakahuling record attempt noong Disyembre 20, 2024, mas mahirap na hamon ang kanyang hinarap—ang pinakamabilis na pagpindot ng isang piano key sa loob ng isang minuto.
Hindi ito ang unang beses na sinubukan niya ang rekord na ito. Noong 2023, dalawang beses na niyang nakuha ang titulo matapos magtala ng 892 at 958 na pagpindot. Gayunpaman, nais niyang higitan pa ang kanyang sariling record.
Matapos ang buwan ng matinding pagsasanay, bumuo siya ng bagong estratehiya. Umupo siya sa dulong kanan ng piano at ginamit ang kanyang hintuturo upang paulit-ulit na pindutin ang pinakamataas na C key hanggang sa matapos ang isang minutong itinakda ng Guinness World Records.
Bukod dito, nagtakda rin siya ng panibagong rekord para sa pinakamaraming pagpindot ng piano key sa loob ng 30 seconds, kung saan naitala niya ang 533 beses.
Dati, ang rekord na ito ay hawak ng Romanian pianist na si Thurzó Zoltán, na may 500 key hits noong Oktubre 2024.
Hindi lamang sa piano nagpapakitang-gilas si Keita. Hawak din niya ang ilang Guinness World Records sa bilis ng pagtugtog ng drums, kabilang ang pinakamaraming single stroke roll drumbeats sa isang minuto (1,334), sa loob ng 30 seconds (687), at sa loob ng tatlong minuto (3,706).
- Latest