Street food vendor sa Pakistan, pinagkaguluhan dahil ka-lookalike ni U.S. President Donald Trump!
ISANG 53-anyos na street food vendor sa isang palengke sa Punjab, Pakistan, ang patok sa mga mamimili roon, hindi lang dahil sa kanyang masarap na paninda kundi dahil sa pagkakahawig niya sa bagong halal na Presidente ng United States na si Donald Trump.
Bata pa lamang si Saleem Bagga ay kilala na siya sa kanilang lugar dahil sa kanyang pagiging “anak araw” o genetic condition na tinatawag na albinism.
Sa pagtanda, mas nakilala siya bilang masipag na naglalako ng Kheer o sweet rice pudding.
Dahil sa pagkapanalo ni Donald Trump sa U.S. Presidential election, mas napansin siya ng mga mamimili at marami ang naaakit bumili sa kanyang paninda.
Habang tinutulak ang kanyang makulay na food cart sa palengke, dinarayo siya ng mga tao na gustong matikman ang kanyang kheer at makipag-selfie sa kanya.
Madalas din siyang kumanta upang makahikayat ng mga mamimili, kaya lalong nagiging masigla ang kanyang paligid tuwing siya ay nagtitinda.
Sa kabila ng hindi pangkaraniwang atensiyon na natatanggap niya, nananatiling masaya at simple ang pamumuhay ni Bagga.
Para sa kanya, ang pagiging kahawig ng isang kilalang personalidad ay hindi lamang nagdala ng kasikatan kundi naging paraan din upang mas dumami ang kanyang suki.
At kung sakali magkaharap sila ng kanyang kamukhang si Donal Trump, handa siyang ipatikim dito ang kanyang espesyal na kheer.
- Latest