“MAMUMUKHAAN mo ba ang mga taong nagtatangkang pumasok dito sa bahay mo, Mayang?’’ tanong ni Mam Araceli habang hawak ang cell phone. Tatawagan nito ang inaanak na police colonel na nakahuli kina Puri at Henry.
“Hindi ko po nakita ang mukha ng dalawang lalaki, Mam dahil madilim sa gate. Nang maramdaman nila na papalapit ako, bigla silang nagtakbuhan,’’ sagot ni Mayang.
“E yung mga lalaki na nakita mo sa palengke, makikilala mo?’’
“Opo. Hindi ko malilimutan ang mukha nila, Mam.’’
“Kaya ko itinatanong sa’yo ay baka itanong ng inaanak kong si Police Col. Allen Buenviaje. Siya ang nakahuli sa dalawa, Hiyasmin. Matagal na pala nilang sinusubaybayan ang dalawa. Marami nang nabiktimang balikbayan at OFWs. Ang ilan, pinapatay nila kapag hindi nakapagbigay ng pera.’’
“’Yan nga rin po ang kinuwento sa akin ni Jeff, Mam. Muntik na raw siyang patayin ni Henry.’’
“Wala raw awa ang Henry na ‘yun—kapag sinabing papatayin ang kinidnap nila, yun ang gagawin. Babarilin nang harap-harapan.’’
“Nagpapasalamat nga po si Jeff at mabilis ang responde ng inaanak mong pulis.’’
“Oo Mayang. Isang decorated policeman si Col. Buenviaje. Kaya lang nasasayang ang mga ginagawa niya dahil sa mga kapwa police officers na pabaya sa tungkulin. Nakatakas daw sina Puri at Henry dahil sinuhulan ang mga escort na pulis. Maghi-hearing daw sa korte sa Maynila nang makatakas ang dalawa.’’
“Kinakabahan po ako Mam Araceli. Puwede po bang dito ka muna tumira habang hindi pa nahuhuli ang mga masasamang tao na sina Henry at Puri.’’
“Oo, Mayang. Dito muna ako sa inyo. Hindi kita iiwan.’’
“Salamat po Mam.’’
“Teka at tatawagan ko si Col. Buenviaje. Kailangang malaman niya ang mga nangyayari rito.’’
“Sana po mahuli na sina Henry at Puri.”
(Itutuloy)