‘Ahas’ (Part 13)
HANGGANG sa lumipas ang ilang taon at nakapagtapos kami ng kolehiyo. Kami pa rin ang magkasintahan ni Romano. Patuloy pa rin ang pagkakaibigan namin ni Cora.
Nagkaroon kami ng trabaho pagkaraang makapagtapos ng kolehiyo. Ako ay banking and finance ang natapos at napasok sa isang malaking banko. Si Romano ay civil engineering at makaraang makapasa sa board exam ay natanggap sa isang malaking construction firm. Si Cora ay natanggap sa isang drug company dahil biochem ang natapos.
Tuwing Sabado at Linggo ay nagkikita kaming tatlo. Kumakain sa labas at nanonood ng sine at mga concert.
Wala pa kaming balak na magpakasal ni Romano. Wala pa sa plano.
Si Cora naman ay wala yatang balak mag-asawa. Isa pa, wala naman akong nakikitang lumiligaw sa kanya. Ewan ko lang kung sa opis nila ay may nagpaparamdam.
“Kailan ka magbo-boyfriend, Cora?” minsan ay natanong ko.
“Ewan ko—baka hindi na!’’
Nag-isip ako.
Bakit kaya ganun ang sagot?
Baka magpapakatandang dalaga na lang?
(Itutuloy)
- Latest