‘Ahas’ (Part 12)
PAREHONG sa Maynila kami nagkolehiyo nina Cora at kasintahan kong si Romano. Sa iisang unibersidad din kami nag-enrol kaya nagkikita-kita pa rin kami lagi.
Ang tinitirahan naming boarding house ay magkakalapit din.
Kapag Linggo ay dinadalaw ako ni Romano sa boarding house. Maari namang dumalaw ang kaibigan o kamag-anak sa boarding house kong tinitirahan. Maluwag ang may-ari basta huwag lang magiging maingay.
Ang ipinagtataka ko, kapag dumadalaw si Romano sa akin ay pumupunta rin sa boarding house ko si Cora.
Hindi ko naman maaring itaboy at baka magtampo.
Kaya ang nangyayari, kaming tatlo ang nagkukuwentuhan. Hindi kami makapag-usap ng sarilinan ni Romano.
Hindi ko alam kung sinasadya iyon ni Cora para hindi kami magkasarilinan ni Romano.
Kung minsan, gusto ko nang prankahin si Cora. Pero baka naman masira ang pagkakaibigan namin.
Kaya hinahayaan ko na lang.
Baka makaramdam din ng hiya sa ginagawa.
(Itutuloy)
- Latest