Surfer sa Australia, nakaligtas sa pag-atake ng pating na kumagat sa kanyang surfboard
ISANG Australian surfer ang himalang nakaligtas mula sa engkuwentro sa isang bronze whaler shark habang nagsu-surfing sa Cheynes Beach sa Western Australia.
Si Dale Kittow, 37, ay kalmado nang harapin ang pating matapos itong makita sa isang paparating na alon. Sa halip na malito, mabilis niyang ginamit ang kanyang surfboard upang protektahan ang sarili.
“Paikut-ikot ito sa akin bago tuluyang umatake,” sabi ni Kittow. Inilagay niya ang surfboard sa harapan ng pating at nagkaroon sila ng saglit na sagupaan. Kahit pa nagkaroon ng kaguluhan, nakaligtas si Kittow na hindi nasaktan.
Pagkatapos ng insidente, nakita niyang nagkaroon nang malaking kagat sa kanyang surfboard, isang patunay ng tindi ng kanilang engkuwentro.
Sa kabila ng panganib, maingat niyang sinakyan ang surfboard at sumabay sa alon pabalik sa pampang upang makaiwas sa sunod na banta ng pating.
“Isang milagro na nakita ko ito nang maaga,” dagdag ni Kittow, nagpapasalamat sa kanyang mabilis na pag-iisip at determinasyong harapin ang sitwasyon.
Bagama’t hindi nasaktan, ang karanasan ni Kittow ay isang paalala kung gaano kahalaga ang pagiging alerto at kalmado sa ganitong uri ng panganib sa karagatan.
- Latest