NOONG panahon ng sinaunang Greek philosopher na si Epicurus, laganap ang pilosopiyang nagsasabing, “Uminom at magsaya, sapagkat bukas ay mamamatay ka.” Marami sa mga sumunod sa pilosopiyang ito ay maaga ngang namatay. Talaga bang ang tao’y nilikha para lang uminom at magsaya?
“Hndi” ang sagot ng mga tagasunod ng “materialist philosophy” na nagsasabing ang mga materyal o pisikal na bagay ang pinakamahalaga sa buhay ng tao, at hindi mga espiritwal na bagay.
Sinalungat ito ni Hesus sa pagsasabing, “Ang buhay ng tao’y wala sa kasaganaan ng kanyang ari-arian,” ayon sa Lucas 12:15. Sa totoo lang, napakaraming super rich ay hungkag ang buhay. Bigo ang kanilang kayamanan na ipagkaloob ang hinahanap nilang kahulugan ng buhay. Bakit?
May paliwanag dito ang Bibliya, sa Ecclesiastes 12:13, ganito ang nakasaad, “Matakot ka sa Diyos, at sundin mo ang kanyang mga utos, sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”
Habang lumalaon ay palayo nang palayo ang tao sa disenyo at utos ng Diyos, kaya naman lalong nawiwindang ang sangkatauhan.
Si Sigmund Freud ang nagpalaganap ng “pleasure principle” na nagsasabing ang pangunahing hanap ng tao ay ang kasiyahan. Sa ating panahon ngayon, itinuturo na ang kasiyahan ng tao ay nakasalalay sa pag-e-exercise ng kanyang mga karapatan.
Kasama rito ang pagsusulong sa karapatan ng tao na piliin ang kanyang kasarian sa panahong maaari na siyang magpasya. Kung isinilang man siyang isang lalaki, maaari niyang piliing maging babae pagdating ng panahon.
Sa ngayon, may iginigiit ang United Nations na karapatan ng bawat bata, ang sexual rights. Ang karapatang ito’y napapaloob sa itinuturo sa mga bata sa maraming bansa sa daigdig, kabilang na ang Pilipinas, na Comprehensive Sexuality Education (CSE).
Dito’y itinuturo na karapatan ng bawat bata na masiyahan, kaya’t okey lang na mag-masturbate o subukan ang iba’t ibang uri ng pakikipagtalik, basta’t huwag lang mabubuntis o magkakasakit. Safe sex ang tawag dito, kaya’t kabilang sa itinuturo sa mga bata ang paggamit ng condom.
Mayroon nang panukalang-batas sa Senado, ang Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2023, kung saan ang CSE ay magiging bahagi na ng pagtuturo mula pa lamang sa kindergarten.
Ang layunin ay maiwasan ang pagbubuntis ng mga kabataan. Ang itinuturong iwasan ay hindi ang pakikipagtalik, kundi ang mabuntis kapag nakipagtalik. Nagsabi na si Presidente Marcos na tututulan niya ang panukalang-batas na ito.
Kinondena ni dating Supreme Court Justice Maria Lourdes Sereno ang CSE at ang panukalang-batas sa pagsasabing ito’y cultural imperialism, sapagkat labag ito sa kulturang Pilipino na itinuturing na kasalanan ang sex outside of marriage. Higit sa lahat, itinuturo ng CSE na ang sex o pakikipagtalik ang kahulugan, katuturan, at kaganapan ng buhay.
Dapat labanan ng bawat Kristiyano at simbahang Kristiyano ang CSE at ang panukalang-batas, sapagkat ito’y labag hindi lamang sa ating kultura, kundi higit sa lahat, sa disenyo at utos ng Diyos.
Sinabi ni Hesus na siya’y naparito upang magkaroon tayo ng isang buhay na ganap at kasiya-siya. Wala sa sex o pakikipagtalik ang tunay na kaganapan at kasiyahan sa buhay, kundi sa pagsunod sa dalawang pinakamahalagang utos—ibigin ang Diyos at ang kapwa. Ang hindi paglaban dito’y kasingkahulugan ng pagbubulid natin sa ating mga kabataan tungo sa tiyak na kapahamakan.