Marami pa rin dapat ipagpasalamat
• Bago ka magbitaw ng malulutong na “put---na mo!” sa iyong kapwa, isipin mo na lang ang mga taong pipi o mga taong may cancer sa lalamunan.
• Bago mo pintasan ang pagkaing inihain sa iyo, isipin mo na lang, ang ibang tao na sarap na sarap sa pagkaing “pagpag”.
• Bago ka magreklamo tungkol sa asawang lagi mong pinipintasan, isipin mo na lang, ang mga taong nagnonobena nang paluhod kay St. Jude para bigyan sila ng makakasama habambuhay.
• Bago ka manakit ng anak dahil ayon sa iyo ay matigas ang ulo nito, isipin mo na lang, may mga mag-asawang sumasayaw pa sa Obando para lang pagkalooban ng anak.
• Bago ka tumalak dahil nadatnan mong marumi ang iyong bahay at wala man lang naglinis, isipin mo na lang, ang mga nasunugan na wala na silang lilinisin kahit kailan.
• Bago ka magreklamo na napagod ka sa pagmamaneho, isipin mo na lang, ang mga taong walang pamasahe kaya naglakad na lang.
• Bago ka bumuntong-hininga at magsabing “ang hirap ng buhay sa Pilipinas”, isipin mo na lang na masuwerte ka pa rin at wala ka sa Ukraine na patuloy na ginigiyera ng Russia.
• Nagrereklamo ka ba dahil sa sobrang busy sa trabaho at hindi na kayo makapag-outing ng pamilya. Isipin mo na lang, mabuti na iyon kaysa magkakapiling nga kayo bawat minuto, pero pulos “nakanganga” dahil wala naman kayong trabaho.
• At kapag lugmok na lugmok ka na sa dami ng problema, idagdag pa na wala kang kapera-pera. Ngumiti ka na lang at isiping, at least, isa ka pa rin marangal na tao at hindi napapatawag sa hearing ng Senado o ng House quad committee dahil sa bintang na pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ang akala mo lang wala kang kasuwerte-suwerte sa buhay. Pero napakarami pa rin dapat ipagpasalamat sa buhay.
- Latest