Mayang (117)

“MALAPIT nang mabutas ang gate mo Mayang!’’ sabi ng kapitbahay na lalaki. “Mabuti at nagising ka. Marami na talagang magnanakaw dito sa atin.’’

“Oo nga. Naramdaman ko kasi na may kaluskos at nilalagari kaya nagmamadali akong bumaba. Naramdaman akong papalapit kaya nagtakbuhan ang dalawa.’’

“Mabuti at nagsisigaw ka. Hindi lang namin inabot ang dalawa pero tiyak na matatakot silang bumalik dahil baka iniisip na namukhaan na sila.’’

“Hindi ko naman nakita ang mukha ng dalawa dahil madilim dito sa may gate.’’

“Dapat maglagay ka ng CCTV para mabilis makilala ang mga magnanakaw.’’

“’Yun nga ang ipalalagay ko.’’

“Bukas magpa-install ka na ng CCTV.’’

“Opo.’’

Nang mag-alisan na ang mga kapitbahay ay nabagabag ang kalooban ni Mayang. Paano kung magbalik ang dalawang lalaki?

Palagay niya, hindi pagnanakaw ang intensiyon ng dalawa. Mas naniniwala siya sa sinabi ni Jeff na balak siyang gantihan. Kung pagnanakaw ang balak, dapat ginawa na noon pa. At saka mas madaling magnakaw kung walang tao. Bakit sa gabi pa gagawin e madalas namang walang tao rito sa araw dahil nagtitinda siya sa palengke.

Tinawagan ni Mayang si Jeff para ipaalam ang nangyari.

“Palagay ko may ibang balak ang mga lalaki, Mayang. Palagay ko nga paghihiganti ang balak.’’

“Natatakot ako Jeff.’’

“Lagi mo bang hawak ang agimat ni Lolo Nado?’’

“Oo. Lagi kong suot ang agimat. Nakakuwintas sa akin. Palagay ko, kaya nagtakbuhan ang dalawang lalaki e dahil natakot.’’

“Huwag mong aalisin sa katawan mo.’’

“Oo, Jeff.’’

“Siyanga pala ­dumating na ang taong papalit sa akin dito. Malapit na akong ­umuwi, Mayang.’’

“Salamat sa Diyos. Sana dumating ka na bukas, Jeff.”

(Itutuloy)

Show comments