HANGGANG Marso ang ibinigay na palugit ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil para buwagin ang private armed groups (PAGs) sa Pinas. Nais ni Marbil na mabura na ang PAGs dalawang buwan bago ang 2025 midterm elections.
Alam n’yo na mga kosa kung ano ang kaparusahan kapag nabigo ang mga police officials na makamtan ang trabahong iniatang sa kanila ni Marbil ha? Mismooo!
Sa talaan ng PNP, may natitira pang walong PAGs sa Pinas, at karamihan sa kanila ay hawak ng mga pulitiko.
Sinabi ni PNP spokesperson at PRO 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo na kilala na ang mga PAGs dahil matagal nang minamanmanan ang mga ito ng pulisya kaya’t walang dahilan para hindi sila ma-neutralize sa loob ng deadline na ibinigay ni Marbil.
‘Yung mga PAGs sa Mindanao kaya? Hindi basta-basta magapi ang mga PAGs, lalo na sa sakop ng BAR, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Ayon kay Fajardo, may tatlong active PAGs sa Pinas samantalang limang potential PAGs naman ang nasa kanilang talaan. Ang active PAGs ay nasa Region 3, Region 7 at Region 9. Ang potential PAGs naman ay nasa Region 1, Region 2, Calabarzon, Region 8 at sa BAR.
“Itong 3 active PAGs at potential PAGs ay identified naman sila, so there is no reason for the field commanders, particularly the concerned regions and provinces para hindi sila matrabaho,” ani Fajardo.
“Ang fear natin dito ay kung hahayaan natin na hindi malansag ang mga ito, there is a big possibility na magamit sa panghaharass, pag-intimidate, not only dito sa kalaban nilang kandidato, pati na rin sa mga botante, at ‘yun ang ayaw ng ating PNP chief,” dagdag pa niya.
Subalit nilinaw ni Fajardo na wala pang namonitor ang PNP na dine-deploy ng mga pulitiko ang kanilang PAGs kaya lang baka lumutang ang mga ito kapag malapit na ang elections. Sanamagan! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Iginiit pa ni Fajardo na nagsimula na silang pag-deploy, hindi lang ng territorial units sa lugar kung saan nakabase ang PAGs, kundi kasama na ang SAF at iba pang specialized forces. Araguyyyy!
Seryoso talaga ang PNP na lansagin itong PAGs, no mga kosa? Siyempre, kasama na dito ang AFP, at PCG na nagko-commit ng kanilang mga resources tuwing may elections.
Hayan, todo-todo na ang paghahanda ng PNP at AFP sa nalalapit na May elections. Kaya dapat lang talaga na ma-extend si Marbil dahil nasa balikat n’ya naka-atang ang kapayapaan ng aktibidad. Dipugaaa!
Sa sakop naman niya sa PRO3, sinabi ni Fajardo na ang binabantayan nilang PAG ay ang Guinto group na nakabase sa Nueva Ecija.
“Itong tinatrabaho pag-assume ko as the RD ang una kong inutos sa ating field commanders, particularly the PD, na we are giving him until March to really dismantle itong Guinto group,” ani Fajardo.
“Matagal na itong identified so dapat hindi na ito pino-problema hanggang sa ngayon because there are parameters to be followed in dismantling these PAGs. At kung identified nga ito sabi ng ating chief PNP there is no reason not to dismantle or operate against these identified PAGs,” ani Fajardo.
Hayan, kilos na Nueva Ecija PD kundi… sanamagan!
Sinabi pa ni Fajardo na kalimitan sa mga PAGs ay may dalawa o tatlong miyembro at kasalukuyang ina-account ng PNP ang hawak nilang mga baril.
Abangan!