ESPEKULASYON at pakiramdaman ang tumatambad sa mata ng mamamayan dahil sa pagkakaisang ikinikilos ng kongreso, senado at ni Pres. Bongbong Marcos. May tila anyo ng katusuhan at pagreremedyo ang ipinipigura nito sa likod ng nagsusuring mamamayan.
Matapos na mailatag ang tatlong impeachment complaints nang magkakaibang grupo laban kay VP Sara Duterte ay tila paninindigan na ni PBBM na irekomenda na ipagsawalang bahala muna ito ng kongreso. Bitin ba?
Mas mainit na isyu ngayon ang usapin hinggil sa nilalaman ng 2025 annual budget. May magic insertions daw ba talaga sa blankong espasyo sa budget lists? Hmmm!
Maging si Presidential Legal Adviser Juan Ponce Enrile ay hindi pabor na isantabi na lamang ang impeachment proceeding dahil karapatan daw ng mamamayan na marinig ang magkabilang panig na naaayon sa alituntunin ng Saligang Batas ng bansa.
Wait lang Lolo Johnny at inaayos lang ang kapritso ng kongreso at senado. Alam mo na naman ‘yan eh!
Ang nagkakaisang panawagan para sa kapayapaan ng Iglesia Ni Cristo ay nabahiran din ng malisya dahil sa pagdalo ng ilang tumatakbong kongresista at senador na kilalang kabilang sa grupo ng oposisyon. Nagpaparamdam lang naman siguro. He-he!
Nararamdaman ko na pilit na inilalayo muna ang usapin sa impeachment at usapin ng 2025 budget na kabahagi nang malaki ang para sa ayuda. Malamang, gagamitin sa pamimili ng boto ng mga reelectionist sa darating na eleksyon. Sigurado ‘yan!
Kalakaran naman talaga na sa tuwing magpapasa ng taunang budget bills ay nagkakamabutihan ang relasyon ng House of Representatives, House of Senate at Office of the President para sa ikapagtataguyod ng kanilang kutsabahan. Lalo na sa inserted pork barrels. Siyempreee!
Makakarinig na naman tayo ng mga magkakaibang plataporma de gobyernong ipangangako ng mga kandidatong congressman at senator. Hindi nila kayang umugit ng batas na magpapataw ng “death sentence” sa mga corrupt na government at elected officials. Pustahan tayo?