EDITORYAL – Pananakot ng China

UNANG namataan ang “monster ship” ng China noong Enero 4 sa baybayin ng Zambales. At hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang illegal na pagpapatrulya nito sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Ilang beses nang ni-radio challenge ng Philip­pine Coast Guard (PCG) ang Chinese Coast Guard vessel 5901 subalit ang sagot nito ay nasa kanila raw silang teritoryo at ang Pilipinas ang lumalabag at pumapasok sa kanilang nasasakupan.

Sa loob ng dalawang linggo, patuloy sa pagpapatrulya ang monster ship. Mula sa baybayin ng Zambales, nag­layag ito sa baybayin ng Lubang, Occidental Mindoro at na-monitor na nagbalik muli sa Zambales. Sa tingin ng mga awtoridad, nag-oobserba at pinag-aaralan ng monster ship ang galaw sa West Philippine Sea.

Sabi ni Commodore Jay Tarriela, PCG Spokesperson for West Philippine Sea noong Biyernes, lalo pang luma­lapit sa baybayin ng Zambales ang “monster ship” at binabalewala ang kanilang radio challenge. Ayon pa kay Tarriela, nasa distansiyang 60-70 nautical miles ang monster ship mula sa teritoryo ng Pilipinas.

Nakagawa na umano sila nang maraming radio communications mula sa BRP Gabriela Silang, subalit balewala lamang sa monster ship. Tinawag na monster ship dahil ito ang pinakamalaking barko ng China Coast Guard. Limang beses na mas malaki sa mga barko ng PCG.

Ang paglalayag ng monster ship sa teritoryong sakop ng Pilipinas ay nagpapakita na sila ang may karapatan dito. Dapat maipakita ang pagtutol at paglaban sa ina­aktong ito. Ang Pilipinas ang may karapatan at awto­ridad sa karagatang pinagpapatrulyahan ng monster ship. Nakasaad ang karapatan sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at sa 2016 Arbitral Ruling na pinagwagihan ng Pilipinas.

Paigtingin ang pagbabantay at gumawa pa nang ma­raming communication challenges para maipakita ang pagtutol sa illegal nilang ginagawa. Malaki ang posibi­lidad na ang ginagawa nilang pagpapatrulya ay may malaking binabalak na sosorpresa sa Pilipinas. Nagawa na nila ang pagbangga at pagbomba ng tubig sa PCG vessels, at ngayon, maaring mas malaki ang kanilang gagawin.

Ang ginawang pagpapatrulya ng U.S. aircraft ka­sama ang mga barko ng U.S. Navy at Philippine Navy sa West Philippine Sea noong Biyernes ay karapat-dapat. Nag-joint patrol ang nuclear-powered USS Carl Vinzon at mga barko ng PN sa tinawag na maritime cooperative activity.

Magsagawa pa ng mga ganitong aktibidad kasama ang mga malalaking bansa para mapigilan ang ginagawa ng China na paghahari-harian sa teritoryo ng Pilipinas.

Hindi dapat masindak sa kanilang pananakot!

Show comments