MAHIGIT 3,000 kabataang babae noong nakaraang taon ang nabuntis nang wala sa panahon. Karamihan umano sa kanila ay mga estudyante. Maaga silang nasabak sa hindi pinagplanuhang pag-aasawa at pagkakaroon ng anak. Ang masakit, marami sa mga kabataang babae ang nahantong sa pagiging dalagang ina.
Noong nakaraang taon din, sunud-sunod naman ang mga balita sa mga natagpuang bagong silang na sanggol na iniwan sa tabi ng basurahan, comfort room ng mga pampublikong lugar at iba pa. May mga sanggol na hindi pa napuputol ang pusod na halatang kasisilang pa lang.
Maayos naman ang kalagayan ng mga sanggol na inabandona dahil dinala agad sa ospital ng mga may mabubuting puso. Pagkaraan, ipinagkaloob na ang mga ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang DSWD ang may lubos na kapangyarihan sa mga sanggol na inabandona.
Ang kasuklam-suklam ay ang mga ina-abort ang nasa sinapupunan at ang fetus ay itatapon sa basurahan. Lubhang nakaririmarim na maituturing na gawaing kriminal sapagkat may buhay na ang inilaglag.
Tulad ng isang fetus na natagpuan ng isang basurero sa P. Noval St., Sampaloc, Maynila. Ayon sa basurero, naghahalungkat ng basura ng umagang iyon nang makita ang ecobag. Dali-daling binuksan. Ganoon na lamang ang pagkagimbal ng basurero sapagkat isang fetus ang laman ng bag.
Ipinagbigay-alam ng basurero ang nakitang fetus sa kapitan ng barangay at sa tulong ng CCTV, natunton ang babaing nagtapon ng fetus. Agad inaresto ang babae subalit nang tinatanong na ng kapitan hinimatay ito. Dinala sa ospital ang babae. Nang magkamalay, inamin ng babae na siya ang ina ng fetus. Ipinagharap siya ng sumbong.
Ang pangyayaring ito ay naikokonek naman sa teenage pregnancies. May mga nabubuntis nang maaga. At para malunasan ang problema, ipinaa-abort ang dinadala. May mga nabibingit sa panganib dahil sa pagpapalaglag.
Ang balitang ganito ay nauugnay naman sa mainit na isyu ng sexuality education na isinusulong na maituro sa eskuwelahan. Pabor naman si President Ferdinand Marcos Jr. na maituro ang sexuality education. Sabi ng Presidente, maraming kaso ng teenage pregnancy at napapanahong maituro ito sa paaralan.
Ang sex education, sapul pa ay iniiwasang paksa na para bang napakasama. Dapat mabago ang pananaw na ito. Panahon na para matuto ang kabataan at nang maiwasan ang maagang pagbubuntis at hindi mapabilang sa mga dalagang ina. Mahalaga rin ito para makaiwas sa mga sakit na dulot ng pakikipagtalik. Imulat ang kabataan sa usaping ito at simulan sa paaralan.