“HINDI naman makamandag ang ahas na ito!’’ sabi ni Mang Temyong matapos iladlad ang ahas sa sahig. “Ahas tulog ito! Hindi nangangagat. Gusto nitong manirahan sa mga sulok ng bahay at malamig na lugar,’’ sabi pa ni Mang Temyong.
Pinagkalipumpunan ng mga kaklase ko ang ahas. Ako ay hindi makalapit. Nanginginig pa rin ako sa takot. Talagang matindi ang naihatid sa aking takot dahil nahipo ko ang katawan ng ahas. Malamig ang katawan at madulas!
Dinampot ni Mang Temyong ang ahas at dinala sa labas. Nagsunuran ang mga classmates ko kay Mang Temyong.
Ang classmate kong si Cora ang naiwan at pinayapa ako.
“Wala na ang ahas, Mary Grace. Huwag ka nang matakot,’’ sabi niya at hinaplos ang likod ko. Si Cora talaga ang best friend ko.
“Nahipo ko kasi ang ahas! Hindi ko malimutan.’’
“Bakit ba lagi kang nakakasumpong ng ahas? Di ba nakatapak ka na rin ng ahas nung pumunta ka sa amin?’’
“Oo.’’
“Bakit kaya lapitin ka ng ahas, Mary Grace?’’
“Hindi ko nga alam, Cora.’’
“Baka pinaglihi ka sa ahas, ha-ha-ha!”
Hindi ako natawa sa sinabi ni Cora.
(Itutuloy)