EDITORYAL - Recycling ng shabu hindi maputul-putol
Araw-araw laging may nakukumpiskang shabu ang mga pulis. At hindi lang basta kakaunting shabu ang nasasakote kundi nagkakahalaga ng milyones o bilyones pa. Hindi katulad noon na paisa-isang gramo ang nakukuha sa tulak, ngayon ay kilu-kilo na. Malakihan na ang kalakalan ng shabu sa bansa.
Lumilinya sa pagtutulak ang mga mag-asawa o magka-live-in. Mayroon ding mga lolo at lola na nagtutulak. Kahit mga estudyante, pinapasok na rin ang pagtutulak na ang katwiran ay wala raw sila pangmatrikula. Halimbawa rito ay ang estudyanteng nahuling nagtutulak ng shabu sa Cebu City. Ang estudyante ay kumukuha ng criminology. Nakunan siya ng 1.1 kilo ng shabu na may street value na P7.5 milyon.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), mula Enero 1-14, 2025, nakakumpiska sila ng illegal drugs na nagkakahalaga ng P36.7 milyon. Nasa 410 drug suspects naman ang kanilang naaresto. Ayon kay Brig. General Anthony Aberin, magsasagawa pa sila nang malawakang drug operations sa Metro Manila.
Ang nakapagtataka, walang masabi ang PNP kung saan nanggagaling ang shabu at wala rin silang malambat na bigtime drug lord. Pawang mga pipitsuging drug pusher ang nalalambat. Kung talagang maigting ang kampanya laban sa illegal na droga, bakit walang “malaking isda” na malambat?
Hinihinalang ang drug recycling ang dahilan kaya hindi maubos ang suplay ng shabu. Karamihan sa mga nagre-recycle ng shabu ay mga korap na pulis o tinatawag na “ninja cops”. Karaniwang mga pulis na nasa drug enforcement group ang nagre-recycle.
Ang pagkakasangkot ng dalawang PNP generals at 30 nilang tauhan sa P6.7 bilyong shabu na nakumpiska sa Tondo, Maynila noong 2021 ay patunay na malawak ang kalakalan ng shabu sa bansa. Halos 1-toneladang shabu ang sangkot. Paano nakaipon ng ganito karaming shabu? Simple lang. Ang nakukumpiska nila ay hindi dinideklara. Ang gawin, kapag nakakumpiska ang mga awtoridad, sirain na agad ito. Huwag itago upang hindi pagnasaan ng mga korap na pulis.
- Latest