DUMATING na noong Huwebes ang tunay na bangkay ng Overseas Filipino Worker na namatay sa Kuwait noong Enero 2. Nasilayan na ito ng mga kaanak ng OFW at sigurado sila na totoong ito na nga at wala nang pagkakamali.
Pero masaklap ang mga naging pangyayari bago nasilayan ang totoong Jenny Alvarado na namatay dahil umano sa coal suffocation sa pinagtatrabahuhan nito. Kasamang namatay ni Jenny ang kapwa worker na Nepalese.
Labis na kalungkutan ang nadama ng asawa at limang anak ni Jenny nang makaabot sa kanila ang malagim na balita. Masamang balita kasabay sa pagpapalit ng taon. Walang katulad na kalungkutan ang pagkawala ng ilaw ng tahanan.
Agad namang kumilos si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac at ipinag-utos ang mabilisang repatriation ng bangkay ni Jenny. Kasabay niyon ay nakipagkita siya sa pamilya ni Jenny na nakatira sa Montalban. Nakiramay siya sa mga ito at nangako ng tulong.
Nang dumating ang bangkay ni Jennny mula Kuwait, agad itong dinala sa isang punerarya sa Montalban, Rizal. Subalit ganoon na lamang ang panlulumo ng asawa at mga anak ng biktima nang makita ang laman ng kahon. Isang bangkay ng Nepalese ang laman at hindi ang bangkay ni Jenny. Nagkamali sa pagpapadala ng bangkay!
Ang nadaramang kalungkutan at sakit ng loob ng asawa at mga anak ni Jenny ay nadoble dahil sa pangyayari. Umaasa sila na ang nasa loob ng kahon ay ang kanilang mahal sa buhay subalit ibang bangkay ang naroon. Walang kasing pait! Namatayan na ay nagkamali pa sa pagpapadala sa bangkay.
Malaki ang pananagutan ng DMW at ng Philippine Embassy sa Kuwait sa pagpapadala ng maling bangkay. Isang malinaw na insulto sa pamilya ng namatay na OFW. Nagpapakita na hindi nagkaroon nang masusing pagberipika sa ipinadalang bangkay. Hindi nagkaroon ng dobleng pag-check. Maaaring hindi na tiningnan ng tauhan ng embahada o kinatawan ng DMW ang nasa loob ng kahon at pinadala na lang patungong Pilipinas.
Ang pangyayaring ito ay nagpapakita lamang ng kawalang pangangalaga ng embahada sa mga manggagawang Pilipino. Hindi na nakapagtataka kung bakit maraming napapahamak na Pinay domestic workers sa Kuwait. Maraming namamatay doon na hindi nalalaman ng mga pinuno ng embahada ng Pilipinas.
Ang pangyayari na pagkakamali sa pagpapadala ng bangkay ay mauulit hangga’t may mga taong gobyerno na hindi nagpapahalaga at nagmamalasakit sa kapwa. Dapat managot ang mga nagkasala.