Labanan ang maruming pulitika

SIMULA na ng kampanya sa pagka-Senador, bagamat marami ang noon pa nagpasimula ng patagong pangangampanya. Tatlong taon pa ang eleksyong pampanguluhan, pero ngayon pa lamang ay marami na ang nagpaparamdam. Sobra ang pulitika dito sa atin. Inaalmusal natin ang pulitika. Ito ang ating pambansang libangan.

Ang pulitika, per se, ay hindi naman masama. Ang totoong kahulugan ng pulitika ay siyensya o sining ng maayos na pamamahala. Mahalaga ang pulitika sa progreso.  Kaya sumasama ang pulitika ay dahil sa maling paggamit nito. Sabi ni Henry Brooks Adams, “Dahil sa nakasanayan, ang pulitika ay naging sistematikong organisasyon ng mga pagkamuhi.”

Ang nakakalungkot, ito ang uri ng pulitika na natutuhan nating mga Pilipino. Ang alam nating pulitika ay ‘yong madugong pulitika, kung kaya’t dito sa atin, ang pulitika ay isang madugong sport. Napakatindi ng epekto ng masamang pulitika sa moralidad ng lipunan. Sabi ni Otto von Bismarck, “Winawasak ng pulitika ang karakter ng isang tao.”  Si Louis McHenry Howe ay nagsagawa ng ganitong paglalagom, “Hindi maaaring manatili kang tapat kung gagawin mong isang propesyon ang pulitika.”

Katapatan, ‘yan ang numero unong biktima ng masamang pulitika. Binigyan ni Shakespeare ng depinisyon ang pulitiko na ganito, “Isang taong iniimbento maging ang Diyos.” Si Nikita Khrushchev naman ay nagsabi na, “Magkakapareho ang mga pulitiko kahit saan. Mangangako silang magtatayo ng tulay kahit walang ilog.”

Heto ang malaking problema, wala na tayong mga Recto, Diokno, Tañada, Salonga, Aquino.  Ang marami sa atin ngayon ay mga pulitikong ang pinangangalagaan lamang ay ang sariling interest; mga pulitikong ang gusto’y pinaglilingkuran, sa halip na nagilingkod.     

Patuloy na winawasak ng pulitika ang ating karakter bilang isang lahi.  Nawawala na ang “palabra de onor” at “delikadesa” na noon ay tatak ng lahing Pilipino. Sa panahon ng eleksyon, ang mga pulitiko ay palipat-lipat ng partido na animo’y mga paru-paro na naghahanap ng masisimsim na nektar ng bulaklak.  Ang dating magkakaaway ay biglang nagiging magkakaibigan.  Ang dating magkakaibigan ay biglang nagiging magkakaaway.

Maraming Pilipino ang tila hindi na nalalaman ang pagkakaiba ng masama sa mabuti.  Binoboto natin maging ang mga nakakulong at may mga kinakaharap na kaso. Ang posisyon sa gobyerno ay naging pampamilya na.  Pagkatapos ng tatay, ‘yon namang nanay, pagkatapos ng nanay, ‘yong anak, pagkatapos ‘yong apo, ‘yong manugang, ‘yong kapatid, ‘yong lolo, ‘yong pinsan.

Mayroon pa ba tayong pag-asa?  Pag-asa na lamang ang mayroon tayo.  Alisin mo ang pag-asang ito, at lahat tayo’y masasawi bilang isang lahi. Dapat tayong maniwala na may magagawa tayo kung tayo’y magkakaisa at makikisangkot sa lipunan. Ang pulitika ay dapat masakop ng Kaharian ng Diyos.  Sa tuwing matatapos ang eleksyon, nagagalit tayo kapag nahalal ang isang tiwali. Kapag naging Senador ang isang walang nalalaman.  Kapag naging Kongresista ang isang jueteng lord. Kapag naging gobernador ang isang trapo.  Kapag naging mayor ang isang basag-ulero. Ang tanong, mayroon ba tayong ginawa upang mahalal ang isang karapat-dapat? Wala tayong karapatang magngangawa at magreklamo kung wala naman tayong ginagawa.

--Sumanib tayo sa mga kilusang lalaban sa maruming pulitika. Ang eleksyon ay isang gawaing espirituwal. Ang balota ay sagrado. Kailanman, hindi makapangingibabaw ang maruming pulitika kung ang bawat tunay na Kristiano’y magmamahal sa bansa at makikisangkot sa mahahalagang isyung panlipunan.

Show comments