Ang ‘sibilisadong’ mapanghusga

SA isang self-service restaurant sa loob ng unibersidad sa Germany. Isang babaeng red haired German ang mag-uumpisa na sanang kumain nang maisip niyang tumayo at kumuha ng kutsara’t tinidor.

Pagbalik niya sa table, kinakain na ng isang lalaking black African ang kanyang pagkain. Saglit siyang nag-isip:

“Siguro ay ngayon lang siya nakarating dito sa aming bansa. Wala siyang alam tungkol sa table manners, na hindi dapat kainin ang hindi niya pagkain. Galing siguro sa bundok. Mukhang gutom na gutom.”

Umupo ang babae sa harapan ng black man. Sa halip na sumbatan ang black man kung bakit kinakain nito ang pagkain niya, nagpasya siyang magparamdam na pagkain niya iyon.

Gamit ang kutsarang hawak, kumuha siya ng salad. Nakita niyang nagulat ang black man ngunit ngumiti lang ito na tila nahihiya.

“Ang kapal naman ng negrong ito! Walang balak tumayo at uubusin talaga ang inorder kong pagkain.”

Magkaganoon pa man, nagpatuloy ang black man sa pag-ubos ng pagkain. Kung anong bilis ng pagkain ng salad ng lalaki, binilisan din ng babae ang pagsubo sa salad.

Sobra nang naiinis ang babae kaya kinuha niya ang lahat ng tinapay at mabilis niya itong inubos. Nakita niyang sumimangot ang lalaki ngunit hindi pa rin ito nagsasalita. Maya-maya, umalis ang lalaki matapos uminom ng tubig.

“Wala man lang thank you sa inubos niyang pagkain ko? Hmmp…ang sama ng ugali!”

Nang wala na ang lalaki, saka lang niya naisip na bakit nagkaroon ng tinapay? Wala siyang inorder na ganoon. Ang alam niya ay may orange juice siya pero nakita niyang tubig lang ang ininom ng lalaki.

Napatingin ang babae sa katapat na table. Doon nakasabit ang kanyang jacket at naroon pa rin ang tray na pinaglalagyan ng mga pagkaing inorder niya.

Napagkamalan niya na kanya ang kinakain ng black man dahil magkapareho sila ng salad na inorder. Siya pala ang umaktong “uncivilized” at hindi ang Negrong hinusgahan niyang taga-bundok.

Show comments