Pinakamalaking maze na gawa sa yelo, matatagpuan sa Minnesota, U.S.A!
OPISYAL na kinilala ng Guinness World Records ang Minnesota Ice Festival dahil sa kanilang 18,148.88-square-foot na ice maze, na pinakamalaki sa buong mundo.
Ang maze, na matatagpuan sa Tco Stadium sa Eagan, ay may 8-foot tall na pader at maraming nakakalitong pasikut-sikot na siguradong magiging challenging sa mga bisita.
Nakuha nito ang record mula sa dating pinakamalaking ice maze sa Buffalo, New York noong 2010, na may sukat na 13,000 square feet.
Ayon kay Robbie Harrell, tagapagtatag at CEO ng Minnesota Ice, sinimulan ang konstruksyon noong Disyembre 1, 2024.
Upang maprotektahan ang damuhan ng stadium, nilatagan muna ito ng graba at plywood bago itayo ang maze.
Ginamit ang 3,452 bloke ng yelo, na tumitimbang ng humigit-kumulang 425 pounds bawat isa, para buuin ang maze.
Natapos ang proyekto noong Enero 4, 2025 kasunod nito ang paglalagay ng mga ice sculpture at ilaw bilang dekorasyon.
Dumating ang opisyal ng Guinness World Records upang kumpirmahin ang rekord, na naging malaking tagumpay para sa Minnesota Ice Festival.
Balak ng mga organizer na buksan ang maze para sa publiko hanggang Pebrero 16, depende sa kondisyon ng panahon.
- Latest