Mayang (109)
ILANG beses nang tumawag si Mayang kay Lolo Nado ay hindi ito sumasagot. Mukhang walang tao sa loob ng kubo.
Sinilip ni Mayang kung may kandado ang pinto.
May kandado!
Wala si Lolo Nado. Maaaring nasa bukid. Baka binibisita ang mga tanim na gulay at iba pa. Ang alam ni Mayang, maraming tanim na gulay ang matanda. Iyon ang libangan nito dahil hindi na makapagtanim ng palay at mais.
Para makapag-ani ng palay, iniuupa na lamang ang pagtatanim at pag-aani. Ganundin ang mais.
Mula nang si Lolo Nado ang naging katiwala niya sa lupang minana sa mga magulang, ipinaubaya na niya rito ang mga gagawin sa lupa. Dinadala ni Lolo Nado ang kabahagi niyang ani (bigas na) sa bayan. Ganundin ang mga prutas, mais, saging at iba pa. Pero dahil matanda, pinayuhan niya na huwag nang magdala ng kaparte niya. Lahat ay para na lang kay Lolo Nado.
Naupo si Mayang sa lusong na bayuhan ng palay. Hihintayin niya ang matanda. Baka may pinuntahan lang sandali.
Makalipas ang may 15 minuto, nakita niya ang paparating na matanda.
“Lolo Nado!’’
“Kanina ka pa Mayang?’’
“Mga kalahating oras na po.’’
“Dumalaw kasi ako sa puntod ni Encar. Halika sa itaas.’’
Nang nasa itaas na sila ng kubo, ipinagtapat ni Mayang kay Lolo Nado ang sadya.
“Bibigyan kita ng panlaban sa mga masasamang tao, Mayang.’’
“Salamat Lolo.”
Tumayo ang matanda at may kinuha sa kuwarto.
Paglabas ay hawak ang isang supot na tela na kulay pula.
(Itutuloy)
- Latest