Babae na inakalang inaatake ng appendicitis, nagulat na buntis pala siya at manganganak na!

NAGULAT si Anna Jackson, 22, mula Scotland, nang malaman niyang buntis siya matapos magtungo sa ospital dahil inakala niyang pumutok ang kanyang appendix.

Pagkalipas lamang ng 40 minuto, isinilang niya ang kanyang anak na si Talia Smith noong Marso 22, 2024.

Nagsimula ang lahat nang makaranas si Anna ng pananakit ng tiyan na inakala niyang menstrual cramps.

Nang lumala ang sakit, agad siyang pumunta sa Forth Valley Royal Hospital kasama ang partner niyang si Euan Smith.

Doon, positibo ang resulta ng kanyang pregnancy test at nalaman niyang nagli-labor na siya.

Sa loob ng siyam na buwan, hindi napansin ni Anna na siya ay nagdadalantao.

Ang hindi niya pagkakaroon ng menstruation ay inakalang side effect ng iniinom niyang birth control at ang kanyang paglaki ay inakalang simpleng pamamanas na epekto ng lactose intolerance.

Bagamat biglaan ang pagdating ng sanggol, lumabas na malusog si Baby Talia, at mabilis silang naka-adjust sa bagong yugto ng kanilang buhay.

Ayon kay Anna, “Kahit hindi inaasahan, nagawa naming maging maayos ang lahat.”

Show comments