Mayang (108)
“MATUTULUNGAN ka ni Lolo Nado laban sa mga may masasamang tangka,’’ sabi ni Jeff kay Mayang.
“Anong tulong iyon, Jeff?’’
“May mga iniingatang agimat si Lolo Nado. Ipinagtapat niya sa akin noong una ko siyang makilala. Lahat nang nagtangka sa kanya noon ay tumiklop dahil sa hawak na agimat. Sabi ni Lolo, maari niyang ipagamit sa akin iyon noong hinahanap kita para raw may proteksiyon ako. Pero tumanggi ako dahil hindi ako gaanong naniniwala sa agimat. Hindi ako kumbinsido. Pero nang may nangyari sa akin na muntik na akong patayin ni Puri at kanyang ka-live-in, naniwala ako sa agimat ni Lolo Nado. Nagsisi ako kung bakit tinanggihan ang alok niya na gamitin ang agimat.
“At ngayong ikaw ang nasa panganib, bigla kong naisip na kailangan mo ang tulong ni Lolo Nado. Ikaw ang dapat mag-ingat ng agimat, Mayang.’’
“Pupuntahan ko bukas si Lolo. Pero mas maganda pa rin kung narito ka Jeff. Matatahimik ang kalooban ko kung narito ka.’’
“Huwag kang mainip Mayang.’’
“Sana sa madaling panahon ay dumating ka, Jeff.’’
“Oo, Mayang. Basta ang payo ko, isara mo lahat ang bintana at pinto sa gabi. At magpakabit ka ng CCTV.’’
“Oo Jeff. Gagawin ko ang mga sinabi mo.’’
“Mag-ingat kayo.’’
KINABUKASAN, pagkatapos ihatid sa school si Jeffmari ay nagtungo na agad sa Socorro si Mayang. Kailangang makausap niya si Lolo Nado kaugnay sa mga sinabi ni Jeff may iniingatan itong agimat na mahusay pamprotekta laban sa masasamang loob.
Maaga pa nang makarating siya sa kubo ni Lolo Nado.
Tumawag siya.
“Lolo Nado! Lolo Nado!’’
Walang sumasagot. Baka wala si Lolo Nado.
(Itutuloy)
- Latest