Australian diver, nakatanggap ng Guinness record matapos maglakad sa ilalim ng tubig
ISANG 35-anyos na freediver sa Australia ang nagpakitang-gilas sa mundo ng freediving matapos magtala ng bagong Guinness World Record para sa titulong “longest underwater walk with one breath (female)”.
Si Amber Bourke ay matagumpay na nakapaglakad ng 370 feet and 2 inches sa ilalim ng isang swimming pool, nilampasan ang previous record na 357 feet and 7 inches.
Hindi naging madali ang tagumpay na ito para kay Bourke, na may higit sa isang dekadang karanasan sa freediving.
Bago ang kanyang world record attempt, ginugol niya ang maraming araw sa matinding training. Hindi kasi madali na maglakad sa ilalim ng swimming pool nang hindi lumulutang sa ibabaw ng tubig.
Kasabay ng record attempt, ginamit din niya ang pagkakataon ito upang makalikom ng pondo para sa Australian Marine Conservation Society, isang organisasyong nagsusulong ng pangangalaga sa mga yamang-dagat ng Australia.
Ang natatanging istilo ng paglalakad ni Bourke sa ilalim ng tubig ay nakasentro sa pagbabaluktot ng kanyang katawan sa 90-degree na anggulo, na parang lumalangoy habang ang kanyang mga paa ay nakatapak sa sahig ng pool.
Bukod sa bagong record na ito, hawak na rin ni Bourke ang 17 Australian freediving records at isang International Association for the Development of Apnea (AIDA) world record para sa paglangoy.
- Latest