EDITORYAL— Campaign materials ng kandidato, alisin
SA kabila nang panawagan ng Commission on Elections (Comelec) sa mga tatakbo sa May elections na sundin ang batas kaugnay sa pagkakabit ng campaign materials gaya ng mga tarpaulin, posters at banners sa pampublikong lugar, hindi pa rin ito nasusunod at maraming sumusuway.
Sa kasalukuyan, namumutiktik na ang election materials sa mga pampublikong istruktura gaya ng pader, waiting shed, footbridge at iba pa. Noong Disyembre 2024, hiningi ng Comelec ang tulong ng LGUs upang matanggal ang campaign materials sapagkat lantaran na ang ginagawang paglabag. Sabi pa ng Comelec, hindi pa panahon ng kampanya kaya dapat sumunod ang mga kandidato sa batas.
Inisyu ng Comelec ang Resolution No. 11086 na naglalaman ng mga probisyon kaugnay sa fair election practices. May mga inilabas ding bagong item sa political campaigns. Nakasaad sa resolusyon na bago magsimula ang campaign period, inaatasan na alisin lahat nang ipinagbabawal na uri ng propaganda kabilang ang mga pangalan, imahe, logo, brand, insignias, initials at graphical representations sa mga pampublikong istruktura at lugar.
Subalit ang panawagan ng Comelec ay binabalewala ng mga kandidato sapagkat lalo pang namutiktik sa election materials ang mga publikong lugar. Maski ang mga poste ng kuryente at punongkahoy ay hindi na pinatawad—kinabitan at pinakuan ng streamers at tarpaulins ng kandidato.
Nakawagayway ang streamers na may mukha ng kandidato. Mayroong bumabati ng Happy New Year 2025 at iba pang mensahe na malinaw namang bahagi ng kanilang maagang pangangampanya. Bukod sa mga nakakabit sa poste at puno, marami ring nakasabit sa cable wire. May mga tarpaulin na nakatali at may pabigat na bato sa mga kawad ng kuryente. Delikado ito sapagkat posibleng bumagsak at may tamaan na motorista o pedestrians. Maaaring sumabit din sa kawad na may tarpaulin ang mga nagmomotorsiklo dahil nakalaylay ang mga ito dahil sa bigat.
Sa panawagan ng Comelec na tumulong ang LGUs sa pagbaklas sa campaign election materials, tanging ang Quezon City government pa lamang ang tumalima.
Noong nakaraang linggo, nagsagawa nang malawakang pagbabaklas ang QC government sa mga nakadikit na election at advertising materials sa mga lugar na ipinagbabawal. Nagkaroon ng “Oplan Baklas” sa mga pangunahing kalsada gaya ng C.P. Garcia, Katipunan Avenue, Xavierville, East Avenue, Tomas Morato, Kamuning, Timog, Anonas at E. Rodriguez.
Tularan sana ng iba pang LGUs ang ginawa ng QC na pagbabaklas sa campaign materials ng mga kandidato. Maging parehas naman sana ang mga kandidato. Sumunod sila sa batas at magpakita ng halimbawa. May nakatakdang panahon para sa pangangampanya. Ireport ng mamamayan ang nagkakabit ng election materials.
- Latest