Mayang (106)

PATULOY na inobserbahan ni Mayang kung may taong nagpipilit buksan ang gate. Wala naman siyang makita. Tumigil naman ang narinig niyang kaluskos.

Hindi siya umalis sa tabi ng bintana. Baka naramdaman ng kung sino mang nagtatangka ang kanyang pagbangon kaya tumigil sa balak na pagpasok sa gate.

Mga limang minuto siyang nag-obserba. Tuluyang nawala ang ingay.

Hindi kaya hayop ang lumikha ng ingay?

Baka mga asong gala na gustong matulog sa may gate?

Baka naman mga nag-aaway na pusa?

Pero kung pusa o aso, dapat narinig niya ang ngiyaw o tahol kaya?

Pinalipas pa niya ang ilang minuto.

Wala na siyang narinig. Nagbalik siya sa silid.

Nakita niyang tulog na tulog si Jeffmari. Kinumutan niya ang anak.

Nagbalik siya sa pagkakahiga.

Nanatili naman ang pag-ulinig niya at baka marinig muli ang ingay mula sa gate.

Hanggang sa makatulog na siya.

KINABUKASAN, tinawagan niya sa messenger si Jeff. Tamang-tama naman na day-off ni Jeff kaya nakapag-usap sila nang mahaba.

Ikinuwento muna niya ang nangyari sa palengke kung saan dalawang lalaki ang kaduda-dudang nagmamatyag.

At pagkatapos ay ang nangyari kagabi na nakarinig siya ng kaluskos sa gate. “Parang may tao na gustong pumasok!’’ sabi niya.

“Ininspeksiyon mo ba ngayong umaga ang gate kung may nagtangkang sumira sa padlock?’’

“Oo. Wala naman akong napansin.’’

“May bakas ka bang nakita—bakas ng sapatos na maaring nagtatangkang umakyat?’’

“Hindi ko napansin.”

“Mabuti pa ay magpa-install ka ng CCTV.’’

“Yun nga ang balak ko Jeff.’’

“Mabuti nang may CCTV para makita ang mga magtatangka.”

(Itutuloy)

Show comments