EDITORYAL – Kontribusyon sa SSS
MAGTATAAS ng 15 percent contribution sa Social Security System (SSS) ngayong Enero. Eksakto ang pagtataas sa gagawin din namang pagtataas ng pasahe sa Light Rail Transit (LRT). Ang Maynilad at Manila Water ay magtataas din ng singil. Ang Meralco ay magtataas daw ng singil sa Pebrero. Bukas ay magtataas uli ng presyo ang petroleum products. Mataas pa rin ang presyo ng bigas.
Maraming nakikiusap sa SSS na huwag munang ipatupad ang pagtataas ng kontribusyon sapagkat kaawa-awa naman ang mga empleyado na kakaltasan. Halos wala nang matitira sa kanilang karampot na suweldo. At masakit pa nga, sumabay ang pagtataas ng SSS contributions sa pagtaas ng iba pang bayarin.
Pero sabi ng SSS, tuloy ang implementasyon ng pagtataas ng kontribusyon ngayong Enero. Hindi na umano maipagpapaliban ang pagtataas sapagkat nakasaad ito sa Republic Act 11199 na inaprubahan noong 2019. Unang ipinatupad ang pagtataas ng 14 percent contributions noong 2019 at ang ikalawang pagtataas ay ngayong 2025 na 15 percent.
Ipinaliwanag ni SSS President at Chief Executive Officer (CEO) Robert Joseph M. de Claro na kapag hindi naipatupad ang paniningil ng dagdag kontribusyon, ang mahihirapan din ay ang mga miyembro. Hindi umano matatamasa ng mga miyembro ang mga benepisyong dapat nilang matanggap. Sa pagdaragdag ng kontribusyon, malaki ang magiging pakinabang ng mga miyembro kapag nagretiro. Ayon pa kay De Claro, nauunawaan niya ang sintemyento ng ilang grupo subalit kailangan aniyang maipatupad ang nakasaad sa batas.
Kung hindi na mapipigilan ang pagtataas ng 15 percent contributions, maari bang asikasuhin ng SSS ang mga delinkuwenteng employers na hindi nagbabayad? Ayon sa Commission on Audit (COA), mayroong mahigit na 420,000 na delinquent employers na hindi nagbabayad ng SSS contributions. Ayon pa rin sa COA, as of 2021, nasa P84 bilyon ang loans na hindi nakukolekta ng SSS. Baka naman, puwedeng unahin muna ang mga sutil na kompanya bago ang paniningil?
- Latest